SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NATUTUWA ang Net 25 executive na si Caesar Vallejos dahil ang gag show na Quizon CT na tampok ang magkakapatid na Eric, Epy, at Vandolph Quizon kasama si Jenny Quizon ang isa sa mga top-rater ng kanilang network mula nang mag-premiere ito noong Enero 9.
Hindi naman nakapagtataka dahil ang Quizon CT ay hitik sa nakaaaliw na jokes at punchlines na napapanood tuwing Linggo, 8:00 p.m. sa Net-25.
Kaya naman puno ng pasasalamat at kasiyahan ang mga anak ni Comedy King Dolphy sa Net 25 dahil sa pagmamahal at importansiyang ibinibigay sa kanila ng network na operated ng Eagle Broadcasting Corporation.
Sinabi nina Eric at Epy na sa Net 25 nila nai-pitch ang show nila dahil nag-align at nagtugma ang mga gusto nila ng network. Naghahanap din kasi ang NET 25 ng isang show na bukod sa nagbibigay ng aliw at kasiyahan ay nagsusulong din ng family values.
Nagkataong kasama sa mga konseptong ipinitch nina Eric ang isang gag show na tumutugon naman sa hinahanap ng NET 25 hanggang sa mabuo na ang show at nag-premiere noong Linggo, January 9.
Iginiit din nina Eric, Epy, at Vandolph na gusto nilang ituloy ang legacy ng kanilang ama pagdating sa komedya. Kaya nagsisilbi ring tribute at handog para kay Dolphy ang Quizon CT.
Actually, hindi naman ito ang unang pagkakataon na magsama sa isang show nina Eric, Epy, at Vandolph dahil nagkasama na sila noon kasama ang kanilang amang si Dolphy sa sitcom na Quizon Avenue ng ABS-CBN at Pidol’s Wonderland ng TV5.
Kaya nga hindi ikinaila ng magkakapatid na masaya sila na matapos ang mahigit isang dekada ay muli silang nagkasama-sama sa isang show. Ang kaibahan nga lang ay hindi na nila kasama ang kanilang ama sa Quizon CT.Kaya iniaalay nila ito sa mahal nilang daddy.
Sinabi pa ni Epy na ang Quizon CT ay, “clean funny humor, ‘yung pang-family. ‘Yung comedy ng daddy ko pampamilya. ‘Yung pwede mong upuan habang kumakain ka, Linggo kasama mo mga anak mo, ang buong pamilya. At ‘yung clean fun natatawa lang kayo, masaya lang kayo habang pinanonood iyon. Good vibes lang ba, and I think that is all of course contributed that the fact na we learned that humor from our father. ‘Yun din ang humor na makikita n’yo, ‘yun Quizon family humor.”
“And also something na we also want to incorporate the kasi ang daddy ko mahilig din ‘yun sa visuals kung minsan walang masyadong salita pero visually nakakatawa, so we are trying to emulate that. Basically, ang gusto lang talaga namin ‘yung after nine years we still want to continue his legacy. ‘Yun lang naman ang sa amin,” giit pa ni Eric.
Kasama rin nila sa Quizon CT sina Martin Escudero, Bearwin Meily, Gene Padilla, Garry Lim, Tanya, Charuth, Billie Hakenson at iba pa. Ito ay idinirehe ng magkapatid na Eric at Epy.
Kaya kung gusto ninyo ng good laugh, watch na ng Quizon CT tuwing tuwing Linggo, 8:00 p.m. sa Net 25.