MA at PA
ni Rommel Placente
ANG magkakapatid na Eric, Epy, at Vandolp Quizon ang mga bida sa pinakabagong gag show ng Net 25 na Quizon CT o Quizon Comedy Theater, na napapanood tuwing Linggo, 8:00 p.m., pagkatapos ng Tara Game,Agad Agad.
Matagal ding hindi nagsama sa iisang proyekto ang tatlong anak ng namayapang King of Comedy na si Dolphy.
Kaya naman natutuwa at nagpapasalamat sila sa Net 25, dahil binigyan sila nito ng chance to work with each other again after a long time.
Sabi ni Eric sa virtual press conference ng Quizon CT, ”‘Yung last time na nagsama-sama kami was, when dad was still alive. Kaya lang nagkaroon kasi kami ng sari-sariling careers.
“Siyempre maganda rin ‘yung tinahak ko, si Epy ganoon din. At si Vandolp din naman ganoon din.”
Napag-usapan din naman nila ni Epy na gumawa ng show na magkakasama silang magkakapatid.
“Sabi ko kay Epy, ‘bakit hindi tayo gumawa ng sarili nating show, mga ganyan.
“We’ve been cooking something for the last 2-3 years, pero this opportunity came na, Net 25 asked us to pitch. So that’s what we did. Nag-pitch kami.
“At nagpapasalamat kami at napili nga ‘yung show namin na ‘Quizon CT.’”
Hindi lang artista sa Quizon CT si Eric, kundi isa rin siya sa direktor nito.
“I’m co-directing it with Epy.
“Kasi si Epy, sabi ko it’s about time na magdirehe ka na rin.
“And I think comedy is his forte.
“So sabi ko, tayong dalawa ‘yung magdirehe para hindi na rin ako mahirapan,” natatawang sabi pa ni Eric.
Bakit ang pinitch nila ay gag show at hindi sitcom?
Sagot ni Eric, “Actually, we also pitched a sitcom.
“Kumbaga, we pitched several shows.
“Mayroon din kaming pinitch na travel show.
“Mayroon kasi kaming dating show ni Epy called ‘Road Trip.’ Where kaming dalawa, we travel and visit different places.
“So ‘yun ‘yung mga show na pinitch namin.
“Dinamihan na namin para siguradong..’yung chance namin mas malaki (na magkaroon ng show)
“Pero ang pinaka-nagustuhan nga nila ay itong ‘Quizon CT.’
“Siguro, mas naging interesting ‘yun sa kanila,” paliwanag pa ni Eric.
Kamusta ang pagdidirehe sa kanyang dalawang kapatid?
“Una sa lahat,siyempre, masarap idirek ‘yung mga kapatid ko.
“Kasi kumbaga, nagkakaintindihan na kami.
‘Alam namin kung saan magiging mas effective ang bawat isa.
“Like si Epy at si Van, mayroong kanya-kanyang forte, parang ganoon.
“So, kaya mas madali para sa akin na idirehe ‘yung mga kapatid ko. Kasi alam ko na naiintindihan nila.
“‘At saka ‘pag sinabi ko, na hindi! Mali! Sumusunod sila,” natatawang sabi ulit ni Eric.
Bukod kina Eric, Epy, at Vandolph, kasama rin sa Quizon CT ang misis ni Vandolph na si Jenny Quizon, Martin Escudero, Bearwin Melly, Gene Padilla, Gary Lim, Tanya Charuth, at Billie Hakenson.