DALAWANG-DAANG libong (200,000) maralitang taga-lungsod ang napaglilingkuran kada taon ng Social Services Development Department (SSDD) ng Quezon City (QC), na kung minsan ay higit pa sa bilang na ito, gaya sa nagdaang dalawang taon sa ilalim ng pandemiyang dulot ng Corona virus o COVID-19.
Ito ang iniulat ni Marisse Casabuena, isa sa mga Division Head ng SSDD ng QC, na ang sabi, ang kanilang departamento ay isang maliit na bahagi lamang ng buong programa para sa lungsod ni Mayor Joy Belmonte.
Pahayag ni Casabuena, ang SSDD na likha ng isang ordinansa noong 2019, ay naatasang magbigay ng serbisyo publiko sa mga agarang nangangailangan ng tulong lalung-lalo na ang mga maralitang naninirahan sa lungsod.
“Ano-ano ang mga pangangailangang ito? Gamot, hospitalization, burial at maging pinansiyal na tulong para sa mga kapos-palad nating mga kababayang naninirahan sa lungsod Quezon,” ang paliwanag ni Casabuena.
Dagdag pa niya, simula noong 2019 ay nadagdagan ni Mayor Belmonte ang mga halagang itinutulong sa mga residenteng lumalapit sa kanilang tanggapan. Ang dating P3,000 ibinibigay sa mga maralitang taga-lungsod na nangangailangan ng pangbili ng gamot sa matinding karamdaman ay nasa P5,000 hanggang P10,000 na. Depende ito aniya sa antas ng sakit at kalagayan sa buhay ng nangangailangan.
Ang mga nangangailangan ng pang-ospital ay agad din ina-alalayan ng SSDD sa pamamagitan ng referal letter upang matanggap sa mga ospital na pag-aari ng lokal na pamahalaan o kaya naman ay sa ibang ospital na matatagpuan at pag-aari ng ibang lungsod.
Sa mga nangangailangan naman ng panglibing para sa mga yumaong mahal sa buhay, na dati ay nabibigyan lamang ng P10,000, ngayon ay P25,000 na.
“Ito ay sa pamamagitan ng guarantee letter, kung saan ibibigay ito ng mga nangangailangan sa funenaria na ibabawas ang halaga ng ating tulong sa kabuuang halaga ng kanilang serbisyo sa namatayan,” paliwanag muli ni Casabuena, na kung minsan halos katumbas na raw ng tulong ng lokal na pamahalaan ang kabuuang gastos sa pinaka-murang serbisyo ng mga funenaria. Ang paglilibingan ay maaaring ayusin din ng SSDD sa mga libingang pag-aari ng lungsod.
Ang mga nasunugan ay natutulungan din. Hindi na gaya ng dati na matagal bago maalalayan ng lokal na pamahalaan ang mga nasunugan sa halagang P1,000 kung nangungupahan at P2,000 kung talagang may-ari ng bahay na nasunog. Ngayon, ang halagang ito ay P5,000 na para sa mga nangungupahan at P10,000 naman sa mga may-ari ng bahay na nasunog.
Dagdag pa ni Casabuena, upang mapabilis ang pamimigay ng tulong sa mga agarang nangangailangan nito, minabuti ni Mayor Belmonte na magtalaga ng mga ‘action officer’ sa kada distrito ng lungsod upang sila mismo ang aagapay sa mga maralitang taga-lungsod sa oras ng anuman nilang pangangailangan.
Mali naman aniya ang mga pasaring ng katunggali ni Mayor Belmonte sa pagka-alkalde ng QC sa nalalapit na halalan, na walang naitutulong ang pamahalaang lokal sa mga mahihirap na residente ng lungsod.
“Alam ng mga maralitang taga-lungsod na sila ay hindi pinababayaan ni Mayor Belmonte. Ang sinomang nangangailangan ay maaaring dumulog agad sa tanggapan ng SSDD,” dagdag pa ni Casabuena.