NAGHAHANDA ang legal team ni pole vaulter EJ Obiena para linisin ang kanyang pangalan at ang pangalan ng pamilya sa kinasasangkutang kontrobersiya.
Ayon kay Obiena, naghahanda ang kanyang legal team para sa isasampang kaso sa mga nanira sa kanya at sa kanyang pamilya—partikular sa kaniyang ina. Ang kontrobersiya ay may kaugnayan sa naging bangayan nila ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Pahayag ng legal spokesperson ni Obiena na si Atty. Bobbet Bruce, masusi nilang pinag-aaralan ang lahat para sa isasampang kasong slander o libel sa mga taong nasa likod ng pagdadawit sa ina ni Obiena na si Jeanette sa isyu.
“Our legal team is also preparing our cases for people who have wronged EJ Obiena and his family. It’s all being studied now. His mom’s name has been also dragged into this, she’s being accused of taking money also. And she was accused publicly,” sabi ni Bruce sa panayam ng GMA News Online.
“Her name was mentioned so many times during the [PATAFA] press conference so we are looking at that. So if there’s a reason for us to file a case, then we will also file the appropriate action,” dagdag pa niya.
Matatandaang sa press conference noong Martes, binanggit ng PATAFA na ang ina ni Obiena, na dating auditor ng athletics body ay ”misappropriated the amount of P624,116.76 she claimed from the PSC under pretext that is a reimbursement of the coaching fee paid to Vitaly Petrov for the months of January 2019 to March 2019.”
“The Estafa filed by PATAFA, these are funds coming from PATAFA. And those coming from PSC and public funds, we will refer that to PSC and to COA with our reports and attachments so that they’ll be the ones to file the case against EJ Obiena and Jeanette Obiena, the mother,” ayon kay Felix Tiukinhoy, miyembro ng PATAFA board of trustees.
Ayon kay Bruce, hindi palalampasin ng kampo ng atleta ang naturang alegasyon sa ina ni Obiena.
“If they accused her of stealing money during the presscon, then it’s slander. If it’s written, it could be libel. We’re still looking at everything,” sabi ni Bruce.
“We are very careful with these things because it affects people’s lives,” dagdag niya.
Pero sa kasalukuyan, pokus sila sa planong kaso na isasampa ng PATAFA laban kay Obiena.
Sinabi ng PATAFA na balak nilang sampahan ng kasong estafa si Obiena kaugnay sa umano’y mishandling ng pondo na 6,000 EUR (P360,000) na pambayad sa kaniyang coach.
Itinanggi ni Obiena ang paratang at sinabing handa nitong harapin ang isasampang kaso laban sa kaniya.
“We have no choice but to respond and prepare a good defense for EJ. Our legal team led by Atty. [Alex] Avisado is confident that we will come up with a good defense for EJ,” ayon kay Bruce.
“We’re just preparing because until there’s a case, we cannot do anything,” dagdag niya.
Sari-saring kuru-kuro naman ang lumabas sa social media tungkol sa kontrobersiyang kinakaharap ng dalawang kampo. Pero karamihan sa comment ay laban sa PATAFA.
“Mahina ang namumuno sa PATAFA. Imbes kasi na sarilinin nila ang problema, pinaputok pa nila sa media. Hindi ordinaryong atleta si Obiena, No. 6 siya mundo. Potensiyal siyang makasusungkit ng medalya sa darating na Olympics,” pahayag ng isang netizen.
“Madaling makakuha ng isang opisyal na kapalit ni Juico, pero suntok sa buwan na makakuha ng isang de-kalidad na atleta na katulad ni Obiena na magbibigay ng karangalan sa bansa,” sabi naman ng isa pang netizen.
Kahit pa nga inirekomenda ng PATAFA na tanggalin si Obiena bilang representanteng atleta ng bansa, pinanindigan ni Obiena na handa pa rin niyang katawanin ang Filipinas sa mga parating na kompetisyon sa pole vault.