SA PAGLOBO ng bilang ng kaso ng CoVid-19, pansamantalang isinara ang lahat ng sangay ng Land Transportation Office (LTO) sa National Capital Region (NCR) – West at wala pang eksaktong petsa kung kailan muling bubuksan.
Sa paskil sa Facebook account, sinabi ng LTO-NCR na isinara ang NCR-West branches dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng CoVid-19 cases kaya magsasagawa sila ng malawakang ‘disinfection’ sa lahat ng kanilang tanggapan.
Ang mga sangay ng LTO na isinara ay ang NCR West Regional Office, Manila Licensing Center, Manila North District Office, Manila South District Office, Manila East District Office, Manila West District Office, Pasay City Licensing Center, Pasay District Office, Public Utility Vehicle, Registration Extension Office, South Motor Vehicle Inspection Center, Muntinlupa District Office, Las Piñas District Office, Las Piñas Licensing Extension Office, Makati District Office, at Parañaque District Office.
Kabilang rin ang Malabon District Office, Navotas Extension Office, Kalookan Licensing Extension Office, Caloocan District Office, DLRO Ayala The Link, DLRO Guadalupe, DLRO Robinsons Manila, DLRO Lucky Chinatown, DLRO Robinsons Las Piñas, DLRO SM Manila, DLRO Araneta Square Mall, DLRO Metro Point Pasay, DLRO Alabang Town Center, DLRO Paseo Center Makati, Vehicle Renewal Extension Facility, LTO ON WHEELS, at Pasay MVRRS (Drive-Thru).
“Dahil dito extended hanggang 28 Pebrero 2022 ang validity ng registration ng mga plakang nagtatapos sa ‘1’ at magre-renew sa Enero 2022,” batay sa abiso ng LTO-NCR.
“Ang student permit (SP), driver’s license (DL), at conductor’s license (CL) na nag-expire mula 1-31 Oktubre 2021 at Disyembre 2021 ay extended hanggang 31 Enero 2022,” dagdag ng LTO. (ALMAR DANGUILAN)