ni ROSE NOVENARIO
SUPORTADO ng national government ang desisyon ng mga alkalde sa Metro Manila na ipagbawal sa public areas ang mga hindi bakunadong indibidwal kaugnay sa pagsasailalim sa Alert Level 3 sa National Capital Region mula 3 -15 Enero 2022 dulot ng muling pagtaas ng CoVid-19 cases.
“Well, we fully support the decision of the Metro Manila Council na ipagbawal po ang mga unvaccinated individuals in public places. Alam naman po natin na iyong mga unvaccinated individuals pose a threat to the community, therefore maganda po iyong naging desisyon nila na dapat ay nasa mga kabahayan lamang sila and they should not be allowed in restaurants, leisure, establishments, to go on social trips, malls, public transportation,” ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing kahapon.
“At sinusuportahan din po ng DILG iyong polisiya na iyong mga nagtatrabaho hanggang ngayon na hindi pa rin nababakunahan, they should undergo RT-PCR test every two weeks and they should have a negative result at their own expense,” dagdag niya.
Base sa inaprobahang resolusyon ng Metro Manila mayors, papayagan lang ang hindi bakunado at mga partially vaccinated lumabas ng bahay kung bibili sila ng essential goods o papasok sa trabaho o kaya naman ay mag-eehersiyo malapit sa kanilang bahay.
Bawal sila sa mga kainan o restaurants, mall, hotels at iba pang major areas.
Tiniyak ng Metro Manila Council ang kahandaan ng NCR sa mass testing, isolation facilities at contact tracing efforts.
Tinatayang may 100,000 hanggang 200,000 obrero ang mawawalan ng trabaho at may P200 milyon ang malulugi sa ekonomiya dahil sa pagtaas sa Alert Level 3 sa NCR.