DALAWANG tama ng bala ng baril sa batok ang tumapos sa buhay ng isang hindi pa kilalang babae na natagpuang duguang nakahandusay sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Inilarawan ang biktima na nasa edad 16 hanggang 25 anyos, may taas na 4″8, payat, nakasuot ng pulang jacket, blue maong pants at nakatsinelas.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City (CIDU-QCPD), bandang 1:30 am, nitong 16 Disyembre), nang makita ang bangkay ng babae sa harapan ng No. 7 Samat St., Garcia Heights, Barangay Holy Spirit, QC.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Nido Gevero, Jr., ng CIDU, naglalakad ang isang kinilalang si Teresa sa lugar nang makita ang nakabulagtang katawan ng babae sa nasabing lugar kaya agad niyang inireport kasama ang kapitbahay na si Jomar sa purok lider na si Alex Diamla.
Agad ipinagbigay-alam ni Diamla sa mga awtoridad ang nasabing insidente, na aniya ay wala sa kanilang barangay ang makapagsabi sa pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon sa SOCO Team na pinamumunuan ni P/SMSgt. Federico Manzano, ang biktima ay may dalawang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa batok.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa Punerarya ni Nards at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong nagke-claim na pamilya.
Hinala ng pulisya, sa ibang lugar pinatay ang biktima at sa nasabing lugar itinapon dahil wala umanong narinig na mga putok ng baril ang mga residente roon.
Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam kung may mga CCTV camera sa paligid kung saan natagpuan ang bangkay ng na posibleng maging susi upang matukoy ang salarin. (ALMAR DANGUILAN)