KALABOSO ang dalawang Chinese national na kapwa empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) nang pagtulungang bugbugin ang isang Malaysian sa loob mismo ng tahanan nito sa Barangay Paltok sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Dong Ting, 26 anyos, binata, Malaysian at residente sa One Capiz Residences, Capiz St., Brgy. Paltok, Quezon City.
Nadakip ang mga suspek na Chinese, kinilalang sina Su Dalong, 31 anyos, at Dongxu Yang, alyas Ze Hao, 23, kapwa nagtatrabaho sa POGO, at residente sa Kasara Building, matatagpuan sa P. Antonio St., Brgy. Ugong, Pasig City, nitong Linggo, 19 Disyembre ng madaling araw.
Sa ulat ng Masambong Police Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 9:00 pm nitong 18 Disyembre, nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa Brgy. Paltok, QC.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jeanbert Malang ng Masambong Police Station, sa hindi malamang kadahilanan, galit na sumugod ang dalawang Chinese sa bahay ng biktima at pinagtulungang bugbugin.
Nakompiska sa mga suspek ang isang unit ng caliber .22 revolver na Smith & Wesson, at dalawang piraso ng mga bala nito.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang motibo sa pambubugbog ng dalawang Chinese sa nasabing Malaysian.
(ALMAR DANGUILAN)