NAHAHARAP sa kasong murder ang 17 pulis na sangkot sa pagpatay kay labor leader Manny Asuncion sa Dasmariñas City prosecutors’ office.
Batay sa subpoena na inilabas ng Department of Justice (DOJ) kahapon ay pinahaharap sa preliminary investigation sa kasong murder sa 11 at 25 Enero 2022 ang mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) na sina P/Lt. Elbert Santos, P/Lt. Shay Jed Sapitula, P/SMSgt. Hector Cardinales, P/MSgt. Ariel dela Cruz , P/SSgt. Joemark Saju, P/Cpl. Ernie Ambuyoc, P/Cpl. Mark John Defiesta, P/Cpl. Arjay Garcia, P/Cpl. Caidar Dimacangun, P/Cpl. Bryan Sanchez, P/Cpl. Ericson Lucido, Patrolman Jayson Maala, Patrolman Juanito Plite, Patrolman Jonathan Tatel, Patrolman Prince Benjamin Torres, Patrolman Jaime Turingan, at Patrolman Lopera Rey PJ Dacara.
Sina Santos, Sajul, at Ambuyoc ay mga kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang ang iba’y mula sa CALABARZON police regional office.
“In the case of the death of Emmanuel Asuncion, the AO 35 special investigating team (SIT) has recommended the filing of murder charges against certain law enforcement agents involved in the incident,” ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ang AO35 task force ay isang special team na binuo noong 2012 upang imbestigahan ang politically-motivated killings ng mga aktibista.
Nauna rito’y inihayag ni Guevarra na sisiyasatin ng AO 35 task force ang pagkamatay ng siyam na aktibista noong 7 Marso 2020 sa tinaguriang Bloody Sunday na nagresulta rin sa pagdakip sa ilang mga aktibista sa isinagawang sunod-sunod na paghahain ng search warrants sa iba’t ibang lugar sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Mariing kinondena ng human rights groups ang anila’y illegal na pagsisilbi ng search warrants.
Sa kaso ni Asuncion, ang search warrant ay para sa kanyang bahay ngunit ipinatupad sa kanyang tanggapan.
Ayon sa mga testigo, walang naganap na paghahain ng search warrant para kay Asuncion at dinala umano siya ng mga pulis sa isang silid at pinatay taliwas sa sinabi ng mga awtoridad na siya’y nanlaban.
Kabilang rin sa pinatay sa Bloody Sunday ay mga lider mamamalakaya na sina Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista sa Batangas.
Nasaksihan umano ng kanilang 10-anyos anak kung paano sila kinaladkad ng mga awtoridad palabas ng cottage at dinala sa isang bahay, matapos nito’y umalingawngaw ang mga putok ng baril.
Idineklara silang dead on arrival sa isang pagamutan.
Sinabi ni Guevarra na tinatapos pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng pagpatay sa mag-asawang Evangelista at ilalabas ang resulta sa susunod na dalawang linggo.
“In the case of the death of the Evangelista spouses, the NBI is winding up its interviews of witnesses, and the SIT report will be out in about two weeks,” aniya.
Umaarangkada rin aniya ang pagsisiyasat sa iba pang pagpatay sa Bloody Sunday ngunit ang pagpaslang kina Puroy dela Cruz at Randy dela Cruz ay hindi isinama dahil hindi ito cause-oriented connected. (ROSE NOVENARIO)