USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
NITONG nagdaang araw ng Linggo ay nagsimula na ang panahon ng adviento o advent para sa maraming Kristiyano lalo ng ‘yung mga sumusunod sa Katolikong tradisyon.
Ang Adviento ay mula sa salitang Romano na “Adventus” na ang ibig sabihin ay pagdating. Kaya para sa ating mga mananampalataya ang Panahon ng Adviento ay panahon ng pagbabalik-tanaw sa kapanganakan ng ating Poong Hesus kasabay ng ating masigasig na paghihintay sa kanyang muling pagbabalik sa wakas ng panahon. Kaya ang Adviento ay panahon ng pag-asa para sa ating katubusan mula sa kasalanan.
Para sa ating mga Filipino, dahil ang Adviento ay nag-uumpisa anim na araw ng Linggo bago ang araw ng Pasko, ito ay bahagi ng mahabang Panahon ng Kaspaskuhan sa Filipinas na pinaniniwalaan ng marami na nag-uumpisa sa buwan ng Setyembre kung kailan pinatutugtog na sa ilang mga estasyon ng radyo ang mga awiting pamasko. Lumalabas na rin sa mga mall sa panahong ito ang mga dekorasyon at panindang pang- Pasko.
Ito rin ang isang panahon, bukod sa Mahal na Araw at Araw ng mga Patay, para sa ating mga Filipino na magkasama-sama ang buong pamilya.
Sa kabila ng pandemya na nagpapahirap sa atin ay may palagay ako na marami pa rin ang nalulugod o masaya na may Adviento at Panahon ng Kapaskuhan kasi ito ang nagbibigay lakas sa ating pananampalataya at paniniwala sa muling pagbabalik ni Hesus upang tayo ay tubusin mula sa kasalanan.
Tinataya rin natin na ang pagbabalik na ito ay huhukuman ang lahat ng ating nagawa at tayo ay mabibigyan ng karampatang kapasyahan, kung makakapiling natin ang ating Dakilang Manlilikha ng walang hanggan o ibubulid tayo sa kawalan ng kadiliman.
Ang katotohanan sa pagbabalik ng Panginoon dito sa lupa at paghuhukom sa lahat ay naisulat na at umaasa tayong mga mananampalataya na ito ay magkakatotoo sa hinaharap bagamat hindi natin alam kung kailan ito mangyayari (Marcos 13:32) kaya ang panawagan sa atin ng Poong Hesus ay manatiling matalas ang pakiramdam.