AABOT sa P102 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang hinihinalang big-time na tulak nang maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) Director P/BGen. Remus Medina ang naarestong suspek na si Randy Rafael, alyas RR, 42 anyos, residente sa P. Dandan St., Pasay City.
Batay sa ulat, dakong 12:20 am nang magsagawa ang pinagsamang puwersa ng mga operatiba ng PDEG SOU -NCR, PDEG SOU7, PDEG IFLD, CIIS BOC, IIS PDEA, PDEA NCR, NICA NCR, NCRPO RDEU, NCRPO RID, CIDG-NCR Northern Field Unit at Caloocan City Police ng buy bust operation sa Baesa Road, Brgy. 161, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakompiska sa suspek ang 15 pirasong Chinese teabag na naglalaman ng tinatayang nasa 15 kilo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000,000, buy bust money na dalawang pirasong P1,000 bills dusted with ultra violet powder at 10 bundle ng P1,000 boodle money at cellphone.
Base sa ulat, ang naarestong suspek ay nagtatrabaho sa isang Chinese personality na itinago sa pangalang Alyas Lim na hayagang nagpapakalat ng ilegal na droga sa National Capitol Region (NCR) at kalapit na mga lugar.
Napag-alaman, ang pagbabayad sa bawat transaksiyon ay consignment basis o spot cash depende sa kalidad ng mamimili habang ang mga item ay ihahatid nang personal o sa pamamagitan ng dead drop.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)