INULIT ni UFC welterweight champion Kamaru Usman ang matindi niyang hamon kay super middleweight boxing champion Canelo Alvarez na magharap sila sa isang boxing match.
Sinabi ni Usman sa TMZ Sports nung Huwebes ang kanyang matagal nang asam na makasagupa si Canelo kahit pa nga tutol si UFC President Dana White sa ideya. Ang hamon ng tinaguriang “The Nigerian Nightmare” ay nangyari nang matagumpay niyang nadepensahan ang kanyang titulo laban kay Colby Covington sa kaagahan ng Nobyembre.
“I’ve already said the name that interests me. Canelo. That’s what interests me,” sabi ni Usman.
Ipinaliwanag ng 34-year-old MMA superstar na ang kanyang hamon ay hindi lamang sa kapakanan ng publisidad. Naniniwala siya na ang tsansa niyang talunin ang best pound-for-pound ng boxing ay napakataas.
“If I don’t believe in myself, then why would I do it? Of course I believe in myself,” pahayag ni Usman sa TMZ. “He’s amazing. He’s amazing. I’m not taking nothing away from him. But, how often does someone get the chance to be able to test themselves against the best?”
Hindi na sorpresa sa lahat kung maghamon man ng laban si Usman sa labas ng Octagon dahil sa naghahanap na siya ng ibang klase ng hamon sa kanyang career. Taglay niya ngayon ang 20-1 MMA record at hindi pa siya natalo simula nung May 2013. Tinalo niya ang mga de-kalidad na kalaban tulad nina Covington at Jorge Masvidal ng tig dalawang beses sa huli niyang limang laban. At obyus na wala nang banta sa UFC welterweight division.
Ang isang malaking tanong lang ay kung kakasahan ni Alvarez si Usman sa isang cross-sport encounter. Dahil nang kapanayamin si Canelo pagkatapos niyang idispatsa si Caleb Plant sa isang title fight, tipong hindi ito interesado sa ideya.
“I don’t see…It doesn’t make sense for me. I want to make history in boxing, and I don’t see anything right there,” Alvarez said.
Ang 31-year-old Mexican sensation ay nakapokus ngayon sa pagiging five-division world champion at target niya si Ilung Junior Makabu para sa WBC cruiserweight title.