MALUBHANG nasugatan ang isang binata makaraang saksakin ng tiyuhin dahil sa matagal nang alitan na naungkat sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Ritchie Galantao, 24 anyos, binata, at residente sa Castro Compound, Nitang Avenue, Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Agad nadakip nina P/Cpl. John-Edel Nolasco at Pat Ernest John Collado ng Novaliches Police Station 4, ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na tiyuhin na kinilalang si Raymund Limsiaco, 40 anyos, may asawa, driver, tubong Negros Occidental at naninirahan sa Golden HOA Castro compound, Brgy. Gulod, Novaliches, QC.
Sa report ng Novaliches PS 4 ng QCPD, naaresto ang suspek bandang 10:00 am kahapon, 28 Nobyembre, sa Castro Compound, Nitang Avenue, Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon, bumisita ang suspek sa bahay ni Galantao na pag-aari ng kanyang tiyahin ngunit biglang naungkat ang matagal na nilang alitan.
Habang nasa kalagitnaan ng pagtatalo ang dalawa ay kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ng dalawang ulit ang biktima sa kaliwang balikat at tiyan.
Bagamat duguan ay nakatakbong palabas ang biktima at humingi ng saklolo sa mga awtoridad dahilan upang maaresto ang suspek.
Dinala sa Novaliches District Hospital ang biktima upang bigyan ng karampatang lunas.
Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong attempted homicide laban sa kaniya.
(ALMAR DANGUILAN)