ni ROSE NOVENARIO
LABING-APAT na bansa ang nasa red list mula 28 Nobyembre hanggang 15 Disyembre 2021 bunsod ng ulat ng mga kaso ng bagong Omicron variant ng CoVid-19.
Inihayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 14 na bansa sa red list o ang mga bansang pinagbabawalan munang makapasok sa Filipinas ang mga galing sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique, Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, at Italy.
Ang mga galing sa Hong Kong ay sasailalim sa quarantine safety protocols para sa yellow list.
Sinabi ni acting Palace spokesman Karlo Nograles, ang inbound travel ng lahat ng tao mula sa red list countries, kasama ang mga nanggaling sa mga naturang bansa sa nakalipas na 14 araw bago dumating sa Filipinas ay hindi papayagang makapasok.
“Passengers already in transit and all those who have been to red list countries within 14 days prior to their arrival to the Philippines and will arrive before 12:01 a.m. of November 30, 2021, shall not be subject to this restriction from entry. They, however, will be required to undergo facility-based quarantine for 14 days with testing on the seventh day regardless of their RT-PCR result,” ani Nograles.
Ang mga pasahero na dumating bago ang 28 Nobyembre 2021 at kasalukuyang sumasailalim sa quarantine ay kailangang tapusin ang kaukulang testing at quarantine prorocols.
“Passengers merely transiting through red list countries shall not be deemed as having been to the said country if they stayed in the airport the whole time and were not cleared for entry by its immigration authorities. They shall comply with existing testing and quarantine protocols.”
Habang ang mga pasahero mula sa green list territories ay kailangan sumailalim sa testing at quarantine protocols para sa yellow list countries.
Kaugnay nito, hindi na muna itutuloy ang planong payagan makapasok ng bansa ang foreign national na fully vaccinated laban sa CoVid-19.
Ayon kay Nograles, inaprobahan na rin ng IATF ang rekomendasyon na palakasin ang CoVid-19 response ng mga lokal na pamahalaan.
Habang ang Bureau of Quarantine at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang local government units (LGUs) ay inatasang tukuyin at hanapin ang mga pasahero mula sa red list territories na dumating sa bansa sa nakalipas na 14 araw bago ang 29 Nobyembre 2021.
“These passengers will be required to complete quarantine under a home quarantine set-up for 14 days from the date of arrival and undergo RT-PCR if symptoms develop.”
Binigyan diin ni Nograles na ang pamahalaan ay nakikipag-ugnayan sa World Health Organization (WHO) hinggil sa usapin.
DUTERTE ADMIN
HINIMOK MAGBANTAY
VS OMICRON VARIANT
NANAWAGAN si Rep. Angelina “Helen” D.L. Tan, M.D., chairperson ng Committee on Health sa pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay laban sa Omicron CoVid-19 variant.
Aniya ang publiko ay dapat manatiling mapagbantay sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19 sa iba’t ibang bansa at pagsulpot ng nakababahalang bagong Omicron variant.
Hinimok ni Tan ang Department of Health (DOH) na pag-aralan ang pagpapatupad at pagpapalawig ng travel ban at pagpapaigting ng quarantine measures depende sa bansa kung saan nagmula ang isang manlalakbay.
“Ang laban sa CoVid-19 ay responsibilidad ng bawat isa. Nananawagan ako sa publiko na palakasin ang health at social measures, at sa kagawaran ng kalusugan na pabilisin ang pagbabakuna sa bansa,” giit ng kongresista.
Ginawa ng kongresista ang pahayag isang araw bago umpisahan ang tatlong araw na National CoVid-19 Vaccination Days sa buong bansa. Layunin nitong mabakunahan ang siyam na milyong Filipino sa loob ng tatlong araw.
Hinimok rin niya ang mga hindi pa nabakunahan na agad magpabakuna upang protektahan ang kanilang sarili at pamilya.
Binigyang-diin ni Tan ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kapasidad para sa coronavirus sequencing at testing bilang bahagi ng komprehensibong pagtugon laban sa pandemya at mga variants of concern.
“Ipagpatuloy natin ang agresibong pagsugpo sa CoVid-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa subok na health protocols upang iwasan ang pagkahawa sa CoVid-19 tulad ng pagsusuot ng mask, pagsasagawa ng physical distancing, pag-iwas sa matatao at saradong lugar, at pagbabakuna, ani Tan.
(GERRY BALDO)
MANDATORY
FACE SHIELD POLICY
POSIBLENG IBALIK
MAAARING pairalin muli ng pamahalaan ang mandatory face shield policy bunsod ng banta ng Omicron variant ng CoVid-19.
“We will look at the possibility. ‘Yan nga ‘yung inaano ni Secretary Duque na he is, he is pro na ano, maibalik ‘yung any protection na puwede nating gamitin. Kasi some people from WHO also believe na kaya nagkaroon tayo ng result dito sa Delta as compared to others is because of the added protection of the face shield,” ani vaccine czar at National Task Force chief implementer Carlito Galvez, Jr., sa isang virtual press briefing.
Inihayag kamakalawa ng World Health Organization na klasipikado ang B.1.1.529 o Omicron variant na unang na-detect sa South Africa bilang SARS-CoV-2 “variant of concern” na mas mabilis kumalat.
Wala pang dalawang linggo mula nang tanggalin ng gobyerno ang mandatory face shield policy sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, 2 at 3.
Ayon kay Galvez, magkakaroon ng ‘recalibration’ sa mga plano kaugnay sa quarantine alert levels sa bansa kasunod ng Omicron variant.
“Sa ngayon, considering that we have the variant, it will change everything. So magkakaroon tayo ng recalibration kung anong gagawin natin, and most likely kung ano ‘yung ginawa natin previously, doon sa Delta which we successfully made our pandemic response, very responsive and pre-emptive,” ani Galvez.
Matatandaang nanawagan ang business groups na isailalim sa Alert Level 1 ang Metro Manila dahil sa mataas na vaccination rate.
(ROSE NOVENARIO)