SA GITNA ng pagbaba ng presyo ng gasolina, iginiit ng liderato ng Kamara na ibababa nila ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” Suntay, nais ng Kamara na mabigyan ng ginhawa ang sambayanang Filipino mula sa hirap dulot ng CoVid-19 at pagtaas ng presyong petrolyo.
“Our people, not only ‘yong mga simpleng mamamayan natin pati ‘yong mga negosyante natin, mga naghahanapbuhay e kailangang-kailangan naman ng konting reprieve from the government,” ayon kay Suntay na dumalo sa lingguhang Ugnayan sa Batasan news forum.
Si Suntay ay isa sa mga awtor ng House Bill 10488, na naglalayung ibaba ang excise taxes sa ilang produktong petrolyo sa loob ng anim na buwan.
Ang panukala ay ipinasa ng House Committee on Ways and Means sa pangalawang pagbasa.
Paliwanag ni Suntay hindi ninais ng Kamara na suspendehin ang lahat ng excise tax kundi ang umento lamang sa na ipinatupad ng Republic Act 10963 or the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
“We’re not asking na i-suspend lahat ng excise tax on fuel. Ang sinasabi namin i-suspend ‘yong percentage na ipinatong natin when we approved the TRAIN Law. Kasi tuloy-tuloy ‘yong pagtaas ng presyo ng langis at alam naman natin we are coming from the pandemic,” paliwanag ni Suntay.
Giit ni House Speaker Lord Allan Velasco masiguro ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa at hindi ito maapektohan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo
“I’m sure ‘yong mga kasamahan natin would also want to give it as a Christmas gift to the Filipino people, who have been hit hard by this pandemic,” ani Suntay.
“I don’t believe that it will have a long-term negative effect on our economy or the performance of the government kung isu-suspend natin itong karagdagang excise tax lang,” dagdag niya.
“In fact, naglagay pa nga tayo ng colatilla na pag bumaba na sa $65 to a barrel ibalik natin kaagad ‘yan (excise tax) automatic.”
Layunin ng panukalang ibaba ang excise taxes ng diesel, kerosene, at liquified petroleum gas at gawin itong zero.
Dahil dito ang excise taxes sa low-octane gasoline, na kadalasang ginagamit ng mga tricycle drivers ay mababawasan ng P4.35. (GERRY BALDO)