INILINAW ng isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na balido ang resulta ng drug test kay Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang paglilinaw ay ginawa ni PDEA spokesperson Director Derrick Carreon kasunod ang pagkuwestiyon ng ilan sa drug-test result na isinumite ni Marcos, na isinagawa sa isang pribadong institusyon at hindi sa ahensiya.
Ayon kay Carreon, accredited ng Department of Health (DOH) ang St. Luke’s Hospital, kung saan nagpa-drug test si Marcos kaya balido ang resulta.
Paliwanag ni Carreon, maaaring magpa-drug test ang isang indibidwal sa pribadong doktor basta accredited ng DOH.
“Ayon sa RA 9165 (o The Dangerous Drugs Act of 2002), ang authorized drug testing po ay pinangangasiwaan ng Department of Health kaya tama lang din po na sa DOH accredited testing facility po sila magpa-drug test,” ani Carreon.
Dagdag ni Carreon, ang main function ng PDEA Laboratory Services sa National Headquarters at sa regional offices ay para sa forensic examination ng mga nakukuhang ebidensiya at drug test sa mga taong arestado dahil sa paglabag sa RA 9165.
Gayonman, maaari rin aniyang mag-administer ng drug test ang PDEA kung hihilingin ito sa kanila ng anomang partido at aprobado ng Director General.
“This is exactly why we said the PDEA ‘may’ administer drug tests upon request by any party and approval by the Director General of such request,” ani Carreon.
Ayon kay Carreon, tinanggap nila ang drug test result ni Marcos para sa kanilang file o reference.
“When we said na hindi po tayo repository ng records ng drug test from other testing facilities, ibig sabihin po ay hindi naman required na mag-submit sa amin. Pero kung magbigay sila tatanggapin po as a matter of file/reference,” paglilinaw ni Carreon.
Nauna rito, inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang presidential candidate na gumagamit ng cocaine.
Agad nagtungo sa tanggapan ng PDEA sina Senator Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III upang magpa-drug test at negatibo ang resulta nito, habang si Marcos naman ay nagpa-drug test sa St. Luke’s Hospital.
Sa resultang isinumite ni Marcos sa PDEA, lumabas na negatibo siya sa paggamit ng anomang droga, kabilang ang cocaine. (ALMAR DANGUILAN)