NAG-UMPISA na ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa schedule ng CoVid-19 booster shot sa mga health workers, senior citizens at may comorbidity nitong Miyerkoles.
Sa anunsiyong inilabas ng QC LGU, maaari nang mag-book ng appointment sa QCVaxEasy webpage ang mga nasa priority group na A1, A2 at A3.
Sa ngayon ay AstraZeneca ang available na booster shot sa lungsod.
Sa abiso, dapat magdala ng valid ID at vaccination card sa araw ng pagpapabakuna ng booster shot. Mahigpit na ipinagbabawal ang walk-in sa mga vaccination site.
“Pumunta lang sa inyong vaccination site, 15 minuto bago ang inyong schedule upang maiwasan ang pagsisiksikan at mapanatili ang minimum health and safety protocols,” base sa Facebook post ng QC LGU.
Ang mga nasa A3 category o may comorbidity naman ay dapat magdala ng medical certificate.
Nabatid na nasa 3.8 milyon ang nabakunahan kontra CoVid-19 sa lungsod. (ALMAR DANGUILAN)