Isumbong mo
kay Dragon Lady
ni Amor Virata
SUPER POWER naman itong Dynasty Club, KTV/Disco Bar na matatagpuan sa Service Road, Roxas Blvd., Baclaran, Parañaque. Sa kabila na ibinenta na sa ibang may-ari ang nasabing bahay-aliwan ay ang lakas ng loob na nag-o-operate, mula nang isailalim sa Alert Level 2 ang NCR.
Ang bagong nagmamay-ari umano ng Dynasty Real ay magkakasosyong mga Chinese at Korean national, at isang Mar Reyes na isang Filipino Chinese ang tumatayong representative na nakikipag-usap sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Parañaque pero hindi umano nagbibigay ng halagang P100,000 kada buwan ayon sa negosasyon ng lokal at ni Mar Reyes.
Nakipag-usap umano si Mar Reyes sa Chief of Police ng Parañaque, ngunit ipinabalik ng hepe ng pulisya ang P100K na ibinigay ni Mar Reyes.
Sa Office of the Mayor, isa umanong secretary ni Mayor Edwin Olivarez ang binigyan ng P100K ni Mar Reyes at ang negosasyon ay P100k kada buwan kapalit ng hindi pagkuha ng mga bagong may-ari na sila na ang nakabili ng Dynasty Real at ‘di na puwedeng gamitin ang dating business permit ng dating may-ari. Kailangan ay change of owner at bagong lisensiya na dahil iba na ang may-ari.
Dapat imbestigahan ito ni Mayor Olivarez dahil ipinagyayabang umano ni Mar Reyes na may basbas ang Dynasty Real sa Office of the Mayor kaya malayang nakapag-o-operate ang nasabing klab.
Posibleng nagamit lamang si Mayor Olivarez at dapat matukoy kung sino ang sekretarya na tumanggap ng P100K at tatanggap pa sa mga susunod na buwan.
Dapat din ay inspeksiyonin ito ng BPLO dahil nag-ulat na ang dating may-ari ng Dynasty Real na ibinenta na nila sa iba ang nasabing klab at wala itong contract of lease sa kanilang tinitirikan, isa sa dokumentong kailangan bago makapag-operate ang isang negosyo gaya ng mga bahay-aliwan.
Meyor Edwin, gamit na gamit ang iyong pangalan… Alam ko, ayaw mo ng ganito! Aksiyon na!