Wednesday , December 18 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Maraming salamat, JSY!

HARD-HITTING columnist, isa sa pinakamahusay na boss at leader, mabait na kaibigan, kapatid, ama, padre de familia at asawa.

‘Yan ang maririnig tungkol sa isang Jerry Sia Yap.

Kahapon, inihimlay sa kanyang huling hantungan si JSY, ang gulugod ng HATAW D’yaryo ng Bayan, at ang puso at diwa ng kolum na Bulabugin.

Marami ang nabigla, hindi makapaniwala, at higit sa lahat lumuha. Mula sa araw ng kanyang pagpanaw hanggang sa paghahatid sa kanya sa huling hantungan, hindi mapatid ang luha ng kanyang pamilya, mga kamag-anak, mga empleyado, mga kasama sa media, mga kliyente, at mga kanegosyo.

Hindi puwedeng hindi iyakan ang pagpanaw ng isang Jerry S. Yap — ang taong sabi nga ‘e mas malaki pa sa Araneta Coliseum ang puso, may pasensiyang hindi nasasaid, may wagas na layuning tumulong sa kapwa lalo sa mga kaibigan at sa mga taong nakapaligid sa kanya.

Sa kabila ng kanyang walang pag-iimbot at walang kahulilip na pagtulong sa kapwa, saksi ang HATAW kung paano niya inilalagay sa unahan ng kanyang listahan ang kanyang pamilya, lalo ang kanyang mga anak — at mga apo.

Hindi lang materyal o pinansiyal na bagay ang buong pusong itinutulong ni JSY sa kapwa, pati ang kanyang kolum na Bulabugin sa HATAW at Airport Blitz sa Diyaryo Pinoy ay espasyo para sa mga naaagrabyado.

Hindi ‘true-blooded’ na mamamahayag si JSY, isa siyang matagumpay na negosyante, ngunit minsan sa buhay niya pinangarap niyang maging isang mamamahayag noong siya ay nasa kolehiyo sa University of the East (UE). Pero dahil gusto siyang maging negosyante ng kanyang mga magulang, business course, ang ipinakuha sa kanya ng kanyang ina.

Maagang sumabak sa pagtatrabaho at pagnenegosyo si JSY. Nagtinda ng taho, naging konduktor ng bus, manggagawa sa pabrika ng candy, at empleyado sa sikat na pagawaan ng notebook at mga papel. Nang makaipon ng kaunting puhunan, nagtinda ng prutas, nag-supply sa mga fruit stalls/stand, hanggang makapagtayo ng sariling kompanya at negosyo. 

Pero dahil malakas ang panghihikayat sa kanya ng buhay sa ‘pluma’ maraming naging kaibigang mamamahayag si JSY. Siya ang kanilang “grapevine” habang sa panig niya, unti-unting natatambad sa kanya ang tunay na kalagayan ng mga taga-media.

Kaya nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapagtayo ng diyaryo, kinuha niyang empleyado ang mga biktima ng lay-off sa iba’t ibang pahayagan o media entity.

Isa sa mga dahilan kung bakit ninais niyang maging opisyal ng National Press Club (NPC) ay upang makatulong sa mga mamamahayag at sa mga kabataang nangangarap at nagnanais na maging mamamahayag.

Kaya naman ang kanyang mga proyekto sa panahon ng kanyang panunungkulan sa NPC ay paghawak sa Education & Scholarship Committee. Scholarship sa mga anak ng mga mamamahayag, at pag-oorganisa ng seminar at workshop sa mga kumukuha ng kursong Journalism at Communication Arts. Paglaon, mas lumaki at lumawak ang kanyang mga proyekto para sa mga mamamahayag.

Sa panahon ng panunungkulan ni JSY sa NPC, hindi maikakailang naging mahalaga ang papel ng organisasyon sa mga kampanya laban sa paniniil sa mga mamamahayag, sa extrajudicial killings, at pagsupil sa press freedom.

Pinakamatindi rito ang Ampatuan massacre. Hindi lamang sa organisasyon ng mga mamamahayag sa Maguindanao siya umaalalay, personal din niyang tinutulungan ang mga pamilyang naulila lalo ang pasahe sa eroplano kapag kailangang dumalo sa hearing.

Nanungkulan si JSY sa National Press Club simula noong 2004-2005 bilang Director — ikawalong director. Mula 2006-2010 ay No. 1 Director; at Presidente mula noong 2010-2012. Ang huling posisyon niya ay tesorero noong 2012-2014, ngunit hindi niya tinapos ang terminong ito, sa personal at organisasyonal na kadahilanan.

Sa maikling panahon ng kanyang buhay, hindi mawawalang kaakibat ng kanyang pangalan ang pagiging mabuting kaibigan, matulungin, mapagbigay, mapagmahal na ama, mabait na asawa, spoiler na in-law, at iba pang katangian ng isang mabuting tao.

Marami pang mabubuting katangian si JSY, mga katangiang pambihirang matagpuan sa isang tao. Doon mayaman si JSY, sa mabubuting katangian. Iyon ang tunay niyang kayamanan, ang kanyang karakter, ang kanyang ugali, ang kanyang tapat na pakikipagkapwa, at ang kanyang wagas at walang pag-iimbot na pagtulong.

Malungkot na bahagi ang magpaalam sa isang taong kagaya ni JSY — pero sabi nga, Diyos ang nagtatakda…

Sa bahagi naming mga naiwang empleyado ng HATAW, ipagpapatuloy namin ang legacy ni JSY.

Paalam Sir Jerry Sia Yap, maraming, maraming salamat. Hanggang sa muling pagkikita…

Saludo!


Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong …

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …