ISANG 71-anyos lolo ang inaresto ng pulisya matapos saksakin ang kanyang kabarangay makaraan ang mainitang pagtatalo sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas City Police Chief Col. Dexter Ollaging ang suspek na si Eusebio Mercado, baker, residente sa Gov. Pascual St., Brgy. Daanghari, at nahaharap sa kaso ng pananaksak.
Ginagamot sa Ospital ng Maynila ang biktimang kinilalang si Renato Cortavista, 50 anyos, welder, residente sa Tulay 12, Brgy. Daanghari sanhi ng tama ng saksak sa katawan.
Sa inisyal na ulat nina P/SSgt. Levi Salazar at P/Cpl. Billy Godfrey Aparicio, dakong 3:30 pm nang lapitan ng suspek, na sinabing tila nakainom, ang biktima at sinimulang kulitin, dahilan upang mauwi sa mainitang pagtatalo.
Matapos ang argumento, umalis ang suspek pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik sa lugar, may bitbit na kutsilyong pangkusina saka biglang sinugod ang biktima, na agad bumagsak sa baldosa at inundayan ng isang saksak sa katawan.
Naawat ng mga residente sa lugar ang suspek hanggang dumating ang mga responde ng Sub-Station 2, na umaresto kay Mercado.
Nakuha sa suspek na 71-anyos ang isang kutsilyo habang isinugod ang biktima sa ospital para sa pang-unang lunas. (ROMMEL SALES)