NAHIHIRAPAN pumili si Pangulong Rodrigo Duterte para sa magiging susunod na pinuno ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni outgoing PNP chief, PGen. Guillermo Eleazar, dahil pawang malalapit sa kaniya ang mga kandidatong nasa listahan na isinumite ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Si Eleazar ay nakatakda nang magretiro sa serbisyo sa Sabado, Nobyembre 13, pagsapit niya sa kanyang mandatory retirement age na 56.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakatakda siyang makipagpulong kay Pangulong Duterte hinggil sa bagay na ito at aminadong isa ito sa pinakamahirap na gagawing desisyon ng punong ehekutibo.
Ito na rin aniya ang pinakahuling PNP chief na itatalaga ng pangulo sa posisyon kaya’t kailangan niya itong pag-aralang mabuti.
“Ito ang sabi niya na pinakamahirap na pagdedesisyon niya. Una, ‘yung lahat ng mga kandidato, kilala niya, nagsilbi rin sa kanya. Pangalawa, ito kasi ‘yung pinakahuling ia-appoint niya bago ‘yung susunod na election kaya kailangan pag-aralan niyang mabuti,” paliwanag ng DILG chief.
Matatandaan, noong nakaraang linggo, kinompirma ng kalihim na nakapagsumite na siya sa Pangulo Duterte ng listahan ng mga pangalan na inirerekomenda niyang magiging susunod na PNP chief.
Sinabi ng kalihim na limang pangalan ang kasama sa listahan ngunit hindi naman tinukoy kung sino-sino. (ALMAR DANGUILAN)