SUGATAN ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos maputukan ang hita nang isuksok niya sa holster ang kanyang baril sa firing range sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si P/MGen. Rolando Hinanay, 55 anyos, hepe ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) sa Camp Crame, at residente sa Alfredo St., Camp Crame, QC.
Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Antonio Yarra, bandang 2:35 pm nitong 7 Nobyembre, nang maganap ang insidente sa Second Bay, QCPD Firing Range sa Camp Karingal, Sikatuna Village sa lungsod.
Dakong10: 45 am nang dumating ang heneral kasama ang pamilya at mga kaibigan sa firing range bilang bahagi ng selebrasyon sa kaarawan ng anak na si Gabriel Hinanay.
Inasistihan ng range assistant na si Ronel Alcones si Hinanay habang hawak ang kaniyang sariling baril na Glock 9MM Gen. 5, nang bumaril sa target boards.
Pero nang mabilis na isinuksok ng heneral sa kanyang holster ang baril ay aksidenteng pumutok ito at tinamaan ang kanyang kanang hita.
Agad na isinugod ang PNP official sa Saint Luke’s Medical Center upang lapatan ng pang-unang lunas. (ALMAR DANGUILAN)