KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang lalaki matapos magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng paglalaslas ng leeg dahil sa depresyon makaraang iwan ng kanyang live-in partner sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Patuloy na inoobserbahan sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang kinilalang si Relix Charlie Lita, 36 anyos, residente sa Bernales III St., Brgy. Baritan sanhi ng laslas sa lalamunan.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong 2:00 am nang madiskubre ng kanyang pinsan na si Kimple Villegas, 32 anyos, na naliligo sa sariling dugo ang biktima sa kuwarto ng kanilang bahay.
Agad humingi ng tulong sa mga barangay tanod at pulisya si Villegas.
Nang malaman ang insidente, inatasan ni Sub-Station-7 chief P/Maj. Patrick Alvarado ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Cpl. Vicente Evangelista at P/Cpl. Karen Borromeo na pumunta sa naturang lugar.
Matapos malaman na buhay pa ang biktima, agad humingi ng tulong ang pulisya sa Malabon Rescue Team na mabilis isinugod si Relix sa Tondo Medical Center kung saan patuloy na inoobserbahan sanhi ng laslas sa kanyang leeg.
Sa pahayag sa pulisya ng ina ng biktima na si Regina Lita, 54 anyos, dumaranas ng depresyon ang kanyang anak matapos siyang iwanan ng live-in partner kasama ang tatlong-buwan gulang nilang anak na lalaki.
Dagdag niya, dalawang beses nagtangkang magpakamatay ang kanyang anak noong nakalipas na mga taon ngunit napigilan ng kanyang mga pinsan.
(ROMMEL SALES)