IMBES sa barracks, sakulungan bumagsak ang isang 3o-anyos na nag-ambisyong mag-pulis sa pamamagitan ng pagsusuot ng uniporme ng Philippine National Police (PNP) sa Malabon City.
Ayon kay Malabon City Police chief, Col. Albert Barot, dakong 11:10 pm kamakalawa, habang nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng Sub-Station 2 na sina P/Cpl. Richard Guiang at Pat. Raffy Astero, napansin nila ang suspek na kinilalang si Lyntherd Fernandez, 30 anyos, residente sa Consuelo St., Brgy. Tugatog na nakasuot ng police uniform ngunit walang nameplate habang naglalakad sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., ng nasabing lungsod.
Naghinala ang dalawang tunay na parak kaya tinanong nila si Fernandez kung siya ba ay pulis, saang unit galing at anong batch nabibilang ngunit pilit na inirepresenta lang ng suspek ang kanyang sarili bilang miyembro ng PNP.
Nang walang maipakitang PNP identification card si Fernandez, inaresto siya ng dalawang pulis at sa isinagawang beripikasyon ay nagpag-alaman na hindi miyembro ng PNP ang suspek.
Sa interogasyon, inamin ni Fernandez na gusto lang niyang matupad ang kanyang pangarap na maging pulis na hanggang sa kasalukuyan ay panaginip lamang.
Iniharap ni P/SMSgt. Rolando Hernando, may hawak ng kaso, ang suspek sa inquest proceedings sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong Usurpation of Authority or Official Functions and Illegal Use of Uniform and Insignia. (ROMMEL SALES)