BULABUGIN
ni Jerry Yap
ANG United Nations ay hindi na rin bulag sa nagaganap na pamamaslang sa mga mamamahayag sa buong mundo.
Katunayan, sa pagdiriwang ng International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists, kamakalawa, 2 Nobyembre 2021, mismong si UN Secretary-General António Guterres ang humikayat at humimok sa mga mamamahayag at sa pakikiisa ng international community upang imbestigahan at dalhin sa paglilitis para sa prosekusyon ang mga krimen laban sa mga mamamahayag sa buong mundo.
“I urge Member States and the international community to stand in solidarity with journalists around the world today and every day, and to demonstrate the political will needed to investigate and prosecute crimes against journalists and media workers with the full force of the law,” pahayag ni UN Secretary-General António Guterres.
Hindi nalalayo ang sitwasyon ng Filipinas sa sinasabi ng UN.
Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), umabot na sa 21 mamamahayag ang pinaslang sa ilalim ng Duterte administration.
Narito ang talaan: (1) Apolinario Suan, Jr., 14 Hunyo 2016, Bislig City, Surigao de Sur; (2) Larry Que, 19 Disyembre 2016, Virac, Catanduanes; (3) Mario Cantaoi, 6 Enero 2017, Magsingal, Ilocos Sur; (4) Marlon Muyco, 17 Pebrero 2017, M’lang, Cotabato; (5) Joaquin Briones,
13 Marso 2017, Milagraos Masbate; (6) Rudy Alicaway, 6 Agosto 2017, Molave, Zamboanga del Sur; (7) Leo Diaz,
7 Agosto 2017, President Quirino, Sultan Kudarat; (8) Christopher Lozada, 24 Oktubre 2017, Bislig City, Surigao del Sur; (9) Edmund Sestoso, 30 Abril 2018, Dumaguete City, Negros Oriental; (10) Carlos Matas,
12 Mayo 2018, Labangan, Zamboanga del Sur; (11) Dennis Denora, 7 Hunyo 2018, Panabo City; (12) Joey Llana, 20 Hulyo 2018, Daraga, Albay; (13) Benjie Caballero, 30 Oktubre 2019, Tacurong City, Sultan Kudarat; (14) Eduardo Dizon, 10 Hulyo 2019,Kidapawan City, Cotabato; (15) Dindo Generoso, 8 Nobyembre 2019, Dumaguete City, Negros Oriental; (16) Cornelio Pepino, 5 Mayo 2020, Dumaguete City, Negros Oriental; (17) Jobert Bercasio, 14 Setyembre 2020, Sorsogon City; (18) Virgilio Maganes, 10 Nobyembre 2020, Villasis, Pangasinan; (19) Ronnie Villamor, 14 Nobyembre 2020, Milagros, Masbate; (20) Rizalino “Inday Rufing” Torralba, 27 March 2021, Tagbilaran City, Bohol; at (21) Orlando Dinoy, 30 Oktubre 2021, Bansalan, Davao del Sur.
Sa mga kasong ‘yan, wala pang napananagot hanggang sa kasalukuyan.
At isang araw bago ang bisperas ng 2021 International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists, pinaslang si Dinoy, ang ika-21 biktima.
At mukhang gaya sa ibang kaso, mananatiling ‘case unsolved’ ang pagpaslang kay Dinoy. Walang balita kung ano na ang estado ng imbestigasyon.
Kaya sa ginanap na 2021 International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists, binigyan diin na may malaking papel ang prosecutorial services para sa pag-iimbestiga at pag-uusig, hindi lamang ng pamamaslang kundi kasama rin ang banta ng pandarahas, sa iba’t ibang anyo, laban sa mga mamamahayag.
Ang kampanya sa taong ito ay nagtatampok sa
psychological trauma na dinaranas ng mga mamamahayag na biktima ng pananakot, at ang pagtataas ng kamalayan para makita ang kahalagahan na maisalang sa imbestigasyon at prosekusyon ang mga nasabing pagbabanta at pananakot nang sa gayon ay mawakasan ang kawalan ng pananagutan ng mga umaatake sa media professionals.
Sa Filipinas, aktibo ang NUJP sa kampanyang gaya nito. Ang NUJP na lang yata ang natitirang organisasyon ng mga mamamahayag, na may malalim na paggagap sa tungkulin ng isang mamamahayag sa kabuuan ng lipunan at hindi lamang sa kompanyang kanilang pinagtatrabahuan.
Kung sa bagay, ang maging isang mamamahayag sa bansang ito, kahit na isang nagsisimulang police reporter ay nalalagay na agad sa panganib ang buhay sa pagkuha pa lamang ng detalye, lalo na kung malalaking tao ang sangkot sa isang kaganapan.
Kung noong normal ang panahon, napakahirap nang maghanap ng mga kakausaping ‘source’ ng balita dahil kailangan ng karagdagang detalye bukod sa police report at blotter, e ‘di lalo na ngayong mayroong pandemya.
Sa totoo lang, sabi nga, hindi nakapagtataka na maraming krimen ang naitago dahil nakatutok ang sambayanan sa pandemya. Hindi natin alam kung anong panahon sasambulat ang mga krimeng ito.
Ay siyanga pala, mayroon nga palang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Ano na ba ang nagawa nito para sa kaligtasan ng mga taga-media?!
Mayroon na nga ba?
Isa sa mga biktima ng pamamaslang sa mga mamamahayag sa Metro Manila ay ang inaanak kong si Gwen Salamida. Inulila ni Gwen ang kanyang dalawang anak na babae, ang kanyang mga magulang at kapatid, at ang kanyang mga kaibigan na hanggang ngayon ay naghahangad na mabigyan ng hustisya ang kanyang kamatayan.
Hindi ko lang malimutan na hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaslang kay Gwen, ay agad naglabas ng statement ang PTFoMS. Hindi ‘raw’ media related ang pamamaslang kay Gwen dahil negosyante na ‘raw’ siya at wala na sa media, kahit noong panahon na ‘yun ay konektado pa siya sa isang tabloid, bilag isang advertising manager.
Mas matikas pa ang pahayag ni Chief PNP, Gen. Guillermo Eleazar at Quezon City Mayor Joy Belmonte, na hindi sila titigil hangga’t hindi naigagawad ang katarungan para kay Gwen at sa kanyang mga naulila.
Sa pinakahuling ulat, nahuli na ang hitman at ang kanyang tandem sa pagtakas.
Sa kabila nito, marami pa rin ang nagtatanong, kumusta na ang kaso ni Gwen Salamida? Nahuli na ba ang mastermind?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com