Tuesday , December 31 2024
Usaping Bayan ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD

Mensahe ng Diyos

USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

KUNG tayo ay nakinig sa Salita ng Diyos nitong mga nagdaang ilang araw ng Linggo ay malalaman natin na malinaw na malinaw pala ang ang kagustuhan ng Diyos para sa atin. Bukod sa kanyang kagustuhan na dapat nating gawin ay itinuro rin niya ang paraan kung paano natin makakamit ang buhay na walang hangganan sa kanyang kaharian.

Ayon sa sinulat ni San Marcos, inilinaw ng Poong Hesus na walang mayaman ang maliligtas (Marcos 10:17-30) bagkus ang malapit sa Diyos ay ‘yung mga aba, pinagkakaitan at inaapi. Sila ang itataas sa kaharian ng Diyos (Lukas 6:17-26).

Inilinaw din ng panulat ni San Marcos, ang dalawang pinakamatinding kautusan, ayon sa Poong Hesus, ay ang pagkilala at pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kalulwa, isip at lakas; at paglilingkod sa kapwa nang buong puso, kalulwa, isip at lakas (Marcos 12:28-34).

Mantakin ninyo, magkahalintulad pala sa importansya’t bigat ang dalawang kautusang ito at lahat ng sinauna pang kautusan ay pumailalim dito. Ito ang mga susog sa Sampung Utos. Napansin din ba ninyo na sa sulat na ito ni San Marcos ay napansin niya na idiniin ng Poong Hesus na kahit sinusunod ng isang mayaman ang Sampung Utos ng Diyos ay wala pala itong silbi kung hindi niya ipamamahagi ang kanyang yaman. 

Bilang patunay ay ikinuwento ni San Marcos na walang paligoy-ligoy na sinabihan ni Hesus ang isang mayaman na sumusunod nang tapat sa Sampung Utos sa mahabang panahon na hindi niya makakamit ang buhay na walang hanggan hangga’t hindi niya ipinamimigay ang kanyang yaman. (Marcos 10:21).

Napag-alaman din natin na ang paglilingkod sa kapwa — sa mahihirap, pinagkakaitan at inaapi —  at ang pag-ibig sa Diyos nang buong katapatan at pagkatao ay magkahalintulad ng timbang (Marcos 12:29-31), tanda na ang paglilingkod sa kapwa ay mas higit kaysa pagdarasal, pag-aayuno o pagpunta sa simbahan para sumamba. Naipakikita ang pagmamahal at tunay na pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwang aba.

Akala ng mayayaman sa ating lipunan ay masusuhulan ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagiging pilantropo, pagpapakasakit sa harap ng madla, pagiging madasalin o mistiko sa mga simbahan. Pero lahat ito ay malinaw na palusot o pangubli lamang upang huwag mabitawan ang hawak na nilang kayamanan.

Pero ang tanong ng ilan ay bakit nga ba hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos ang mayayaman?

        Sapagkat ang yaman ay kinuha sa mga walang-wala sa pamamagitan ng lakas o gulang ng malalakas at tuso. Ang yaman ng isa ay kahirapan ng marami. Hindi lumalaki ang mundo. Ang sobra sa isa ay kakulangan sa marami.

Malinaw din na walang mayaman ang may kakayahang maglingkod nang buong puso, kalulwa, isip at lakas. Bawat kilos nila ay kalkulado kung paanong lalaki ang tubo na kanilang ‘pinaghirapan’ kundi man ang kung paano pa lalong kikinang ang kanilang pangalan. Para sa sa kanila, pribilehiyo na sila ay paglingkuran ng mga kapos.

Bukod dito, marapat din itanong kung paanong ang isa ay iinom sa kopa ng Poong Maykapal gayong hindi niya kayang sundan ang pasakit at hirap na dinanaas ng bugtong na anak? Tanging ang mahihirap lamang ang may kakayahang uminom sa kanyang kopa sapagkat simula’t sapol ay lugmok na sila sa pagpapakasakit at hirap. Pasan na nila ang krus ng kahirapan sa kanilang buong buhay kaya’t mas madali para sa kanila ang sumunod sa Panginoon.

Hindi ba’t ang buhay ng kahirapan at pighati ay madalas naglalapit sa atin sa Panginoon kaysa buhay ng karangyaan? Sino ba ang sinserong tumatawag sa Diyos, hindi ba ‘yung salat? Mas nakikita o nakakasama natin ang Diyos sa panahon ng sigwa, pighati o karamdaman sa ating buhay kaysa panahon ng kaalwanan.

Ibig sabihin ba nito ay dapat tayong maging mahirap? Hindi. Ang ibig sabihin lamang nito ay dapat tayong maging dukha. Tayo ay dapat mabuhay ayon lamang sa pangangailangan batay sa ating kakayahan. Ang kahirapan at pagiging mayaman ay parehong batik sa pananaw ng Diyos. Pareho itong “dehumanizing” o nag-aalis ng pagkatao. Bilang isang nilalang na hinalaw mula sa ating manlilikha, parehong kasuklam-suklam ang mga ito.

Walang duda o paliwanag pa. Kung ikaw ay mayaman hindi ka magkakaroon ng walang hanggang buhay sa piling ng Panginoon dahil ang mga dukha lamang ang may puwang sa kanyang kaharian. Ito ang dahilan kaya nasabi ng Panginoong Hesus na “mas madali para sa mga kamelyo na pumasok sa butas ng karayom kaysa mayayaman.” (Marcos 10:25).

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …