MANILA — Ayon sa lokal na pag-aaral na isinagawa ng Philippine Neurological Association, isa sa bawat apat na Filipino na naospital sanhi ng CoVid-19 ay maaaring makaranas ng stroke at iba pang disorder na nakaaapekto sa utak.
Nakita ito sa retrospective study ng mga researcher sa Philippine General Hospital (PGH) na sinuri ang may 10,881 Pinoys na diagnosed ng coronavirus disease sa 37 ospital sa buong bansa at lumitaw na 26 porsiyento ang nagkaroon ng neurological symptoms tulad ng pananakit ng ulo, altered na pang-amoy at panlasa at gayondin ng pananakit ng mga muscle.
Ayon kay University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Stroke Services chief, Dr. Epifania Collantes, habang ang karamihan ng mga namamatay sa CoVid-19 ay dahil sa mga respiratory disease (44 porsiyento) at sepsis o extreme response sa impeksiyon (41 porsyento), 23 porsiyento ang nakaranas ng mga neurological deficit na maaaring dahilan ng matinding damage o kahit hanggang kamatayan.
Idinagdag ni Collantes, kabilang sa iba pang mga pangkaraniwang neurological complication ay stroke at encephalopathy (ang general term ng sakit na nakaaapekto sa function o estruktura ng utak), o mga pagbabago sa pag-uugali sanhi ng brain damage.
“These neurological manifestations pertain to symptoms affecting the central nervous system, or the brain and spinal cord, as well as the peripheral nervous system, or the nerves and muscles. CoVid-19 patients may experience the symptoms of stroke 14 days before or after they were diagnosed,” paliwanag ng batikang neurologist.
Sinabi ni Collantes, may tatlong paraan na ang CoVid-19 ay nagiging dahilan ng brain damage, at ito ang direktang pagsalakay ng virus para maapektohan ang olfactory nerves at ang utak, ang matinding pagbababa ng daloy ng dugo dahil sa mga blood clot sa mga ugat, at ang kakulangan ng oxygen sa brain cells at pagbaha ng immune molecule na nakasasama sa utak. (TRACY CABRERA)