DERESTO sa kulungan ang magdyowang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na dumayo sa Malabon City pero nasakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Malabon City police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina David Kumar Geñorga at Vida Sandra Devanadera, kapwa 21 anyos at residente sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Ayon kay P/SSgt. Salvador Laklaken, Jr., may hawak ng kaso, dakong 6:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Bagong Lote St., Brgy. Potrero, sa pamamagitan ng pakikipagtransaksiyon ng isang undercover police sa mga suspek para sa P4,000 halaga ng droga.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops, agad silang sinunggaban ang mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang hindi kukulanging sa 500 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops, may standard drug price na P60,000 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at tatlong pirasong P1,000 boodle money.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)