ISANG 62-anyos lola ang inaresto, kabilang ang dalawa pang katao sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operations ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay P/MSgt. Julius Mabasa, nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal ng impornasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa sa illegal gambling na kung tawagin ay ‘lotteng’ sa Block 8, Talangka St., Phase 3C, Kaunlaran Village, Brgy. 20.
Dakong 12:30 pm nang madakip si Tessie Arguilita, 62 anyos, biyuda, kobradod, kasama ang isang Juan Sarco, Jr., 32 anyos, mananaya, na naaktohan ng mga operatiba ng DSOU habang nagpapataya at tumataya sa ilegal na sugal na ‘lotteng’ sa Tamban St., Brgy. 20.
Nakuha sa mga suspek ang isang ballpen, bet list, bundle bet stab, at P1,100 bet money.
Dakong 1:45 pm nang pasadahan ng mga operatiba ang Talangka St., na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ruel Payumarin, 46 anyos, kobrador, matapos tumaya ng P20 ang isang undercover police.
Nakuha kay Payumarin ang isang ballpen, bet list, bet stub, P20 bet money at P600 bet collection.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay sa patnubay at pamununo ni NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo Jr., para sugpuin ang lahat ng uri ng ilegal na sugal sa NPD area. (ROMMEL SALES)