IPINAHAMAK ang dalawang tulak dahil sa katigasan ng ulong ayaw magsuot ng face mask nang sitahin matapos makuhaan ng mahigit P.4 milyon halaga ng ilegal na droga nang sitahin ng mga pulis, sa Caloocan City, kamakawala ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City Police Chief Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong mga suspek na sina Dave Aguilar, 44 anyos, residente sa Lakas ng Mahirap St., Brgy. 10, at Ramoncito Dasigan, alyas Ramon, 27 anyos, ng Brgy. San Roque, Navotas City.
Ayon kay Col. Mina, dakong 10:30 pm, habang nagsasagawa ng Simultaneous Enhanced Managing Operations (SEMPO) ang mga tauhan ng Sangandaan Police Sub-Station 4 na sina P/Cpl. Robert Gabano at Pat. Charles Harry Son Ferro sa Lakas ng Mahirap St., Brgy. 10 nang sitahin nila ang mga suspek dahil walang suot na face mask.
Nang hanapan ng identification (ID) card, tumanggi ang mga suspek at tinangkang tumakas ngunit agad din silang napigilan ng mga pulis at naaresto.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang isang itim na pouch at 14 pirasong plastic sachets na naglalaman ng 66 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P448,800.
Nahaharap sina Aguilar at Dasigan sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at Section 11 Art II of RA 9165 na isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutors Office. (ROMMEL SALES)