MATABIL
ni John Fontanilla
MULA sa pagiging businesswoman at artista, pinasok na rin ng maganda at sexy Viva artist na si Ana Jalandoni ang pagpo-produced ng pelikula via Manipula mula sa panulat at direksiyon ni Neal Buboy Tan.
Ayon kay Ana, pinag-aralan niyang mabuti ang lahat-lahat patungkol sa pagpo-produce ng pelikula bago siya nagdesisyong simulan ang Manipula na siya rin ang lead actress katambal ang controversial at man of the hour na si Aljur Abrenica.
At bilang Viva artist, nagpaalam ito sa Viva Entertainment na magpo-produce siya ng pelikula na siya ang bida at pinayagan naman siya.
Ito ang maituturing na kauna-unahang pagbibida sa pelikula ni Ana at ito ang pinaka-challenging role na kanyang nagampanan sa mga pelikulang nagawa niya. Limang karakter ang ginagampanan niya sa Manipula na ang main goal ay makapaghiganti sa mga taong gumahasa at pumatay sa kanyang ama.
Base na rin sa trailer ng movie, napakaganda ang pagkakagawa nito at mahuhusay ang mga actors na kasama rito lalo na si Ana na ayon kay Direk Neal ay napakahusay at walang kiyeme sa daring at maseselang eksena.
Simula pa lang ito ng kanyang pagpo-produce ng pelikula at balak niyang mag-produce pa ng marami.
Gusto rin nitong makatulong sa kanyang mga kapwa artista at sa mga taong nasa likod ng paggawa ng pelikula para magkaroon ng extra trabaho.
Bukod kay Aljur kasama rin sa Manipula sina Kiko Matos, Mark Manicad, Marco Alcaraz, Christian Vasquez, Allan Paule, Rolly Inocencio, at Rosanna Roces.