KULUNGAN ang binagsakan ng pitong drug pushers na nakuhaan ng halos P826,880 halaga ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operation ng Southern Police District (SPD) sa katimugang bahagi ng Metro Manila nitong Lunes hanggang Martes ng madaling araw.
Sa ulat ni SPD chief, BGen. Jimili Macaraeg, dakong 5:12 pm nitong 18 Oktubre, unang nagkasa ng buy bust operation ang SPD-DDEU personnel sa Kalayaan St., Brgy. Ususan, Taguig City, na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na sina Michael Lubarvio, alyas Mohi, 37; Varian Fernandez , 35; at Malou De Guzman, 43, pawang residente sa lungsod.
Nasamsam sa tatlong suspek ang 11.1 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P75,480, marked money at weighing scale.
Dakong 8:00 pm, nahuli ang suspek na si Mohalidin Datuan, 42 anyos, nang bentahan ng droga ang police poseur buyer sa Padre Diego Cera Ave., Brgy. Manuyo Uno, sa Las Piñas City.
Nakompiska kay Datuan ang 78 gramo ng shabu na aabot sa halagang P530,400 at P1000 bill buy bust money.
Huli sa buy bust operation sa Dela Paz St., Brgy. Ibayo – Napindan, Taguig City ang mga suspek na sina Aries Dela Paz, alyas Ariz, at Adrian Viray, kapwa nasa hustong gulang, matapos makompiska ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P119,000 at marked money.
Sa ikinasang buy bust operation dakong 2:05 am nitong 19 Oktubre sa Mockingbird St., Brgy. Rizal, Makati City nasakote ng mga pulis ang suspek na si Melchor Labradores, alyas Boy, 52.
Nakuha kay Labradores ang 15 gramo ng shabu, may street value na P102,000, isang bundle ng empty plastic sachet at coin purse.
Dinala ang mga nakuhang ilegal na droga sa SPD Crime Lab Office para sa chemical analysis habang sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
“Ito po sana ay magsilbing babala sa mga gagawa ng ilegal na gawain sa ating nasasakupan, ang ating pulisya ay hindi hihinto sa paghuli sa mga sangkot sa ilegal na droga na sumisira sa kinabukasan ng ating mamamayan,” pahayag ni BGen. Macaraeg kasunod ng pagpuri sa lahat ng operating units sa matagumpay na mga operasyon. (G. GARCIA)