DINAKIP ang magsyotang tibo, habang tatlo ang nadakip dahil pinaghihinalang drug personalities na nakuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Dakong 8:00 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr., ng buy-bust operation sa Bernardino St., Brgy. Gen T. De Leon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jody Hernandez alyas Jo, 48 anyos, at Julie Cabrales, alyas Joy, 37 anyos.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P34,000, P300 buy bust money, P300 cash, 2 cellphones at pulang tube.
Nauna rito, dakong 4:00 pm nang masakote rin ng kabilang team ng SDEU si Adrian Marquez alyas Mojak, 22 anyos, matapos bentahan si P/Cpl. Dario Dehitta na nagpanggap na buyer ng P7,500 halaga ng shabu sa buy bust operation sa Urrutia St., corner Karen Ave., St. Brgy. Gen T. De Leon.
Ayon kay SDEU investigator P/SSgt. Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money, cellphone, pouch at motorsiklo.
Sa Brgy. Bagbaguin, natimbog din ng isa pang team ng SDEU si Henrieto Entienza, alyas Lupa, 35 anyos, matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu si P/SSgt. Luis Alojacin na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa Avocado St., dakong 10:30 am.
Ani P/Cpl. Christopher Quiao, nasamsam sa suspek ang halos 5 gramo ng hinihinalang shabu, nasa P34,000 ang halaga, buy bust money, P200 cash at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)