Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
KOREK lang, na dapat pagmultahin ang mga nagnanais tumakbo o kumandidato sa May 22 elections na magsisilbing ‘panggulo.’
Partikular dito ang mga kaapelyido pero wala namang sapat na kakayahan para manungkulan, kabilang din ang mga nais lang kumuha ng pondo o mag-solicit sa mga nakararangyang kaibigan o negosyante, gayong wala namang sapat na kakayahang pumuwesto sa nasyonal o mga lokal na pamahalaan.
Layunin lamang ng mga ganitong kandidato ang mangalap ng pondo para sa pansariling pangangailangan. Kaya huwag magpaloko! Ayon sa Comelec, naipasa na sa Mababang Kapulungan ang ikatlong pagdinig sa nasabing panukala at itinaas ito sa P.1-M multa.
Tuwing eleksiyon, uso ang mga panggulong kandidato, gaya ng isang Daniel Magtira, na asawa raw siya ng aktres na si Kris Aquino; at isang Laurencio Yulaga, na nagsasabing pangongoryente ang mabisang gamot laban sa CoVid-19.
Hindi katanggap-tanggap ang mga ganitong kandidato na masahol pa sa mga baliw na naka- confine sa National Center for Mental Health (NCMH) dahil ang sinomang iboto ng taongbayan ay kaakibat ang kapakanan ng kaban ng bayan.
Kung mga ganitong kandidato ang mga aplikante para tumakbo sa eleksiyon, baka bansagan ang ating bansa na, “Filipinas kong baliw!”
Sa ilalim ng Senate Bill 726 ni Senator Sherwin Gatchalian, taong 2019, inihain ang P50K multa laban sa “nuisance candidates” at ngayon nga ay ginawa itong P.1-M na ipinasa sa Kongreso… dapat aksiyonan agad ito ng Senado para sa 2022 May elections.