USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores Ll.B. MSCK
HUWAG nating kalilimutan na walang mararating ang isang bagito sa larangan ng pamumuno. Kailangan nitong magpahinog muna at magkaroon ng suporta mula sa malawak na sambayanan mula Luzon hanggang Mindanao.
Hindi rin natin kailangan ‘yung naglilinis-linisan at oportunista. Lalong ayaw natin sa mga pulpolitiko na lahat ay ipangangako manalo lamang at walang humpay na sinisisi’t pinupuna ang iba kasabay ng pagtangging manalamin sa pangamba na bumalandra sa kanya ang puna niya sa iba.
Ang lider na kailangan ng bayan ay ‘yung walang takot na magsusulong ng kamulatang Filipino o isang ideolohiya na batay sa ating kulturang nakagisnan at hindi iyong pilit na ipinasususo sa atin ng mga dayuhan.
‘Yung magpapanday ng daan para makabangon ang bayan matapos ang daang taong pagkaduhagi sa mga kanluranin at higit sa lahat ay ‘yung kumikilala sa paghahari ng Diyos at masigasig na magtataguyod ng awtoridad na estadong maka-Filipino, ang kailangan natin bilang lider.