NAARESTO ng mga awtoridad ang No. 19 most wanted person ng Nationl Capital Region Police Office (NCRPO) sa pinagtataguang lugar sa Zambales City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) chief P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Jonard Manalo, 27 anyos, tubong Malabon City, residente sa Purok 6, Magsaysay, Castillejos, Zambales.
Si Manalo ay wanted sa kasong Robbery with Homicide, sa panghoholdap at pagkakapaslang sa lola ng kanyang girlfriend noong 2020.
Ayon kay kay P/Lt. Col. Dimaandal, ang pagkakaaresto kay Manalo ay resulta ng intelligence research at pinaigting na operation kontra most wanted persons sa pamamagitan ng patnubay at matibay na pamumuno ni NPD Director P/BGen. Jose Hidalgo Jr.
Kaya nang natanggap ang impormasyon mula sa QCDIT-RIU hinggil sa pinagtataguan ng akusado, agad
bumuo ng team ang DSOU sa pamumuno ni P/Lt. Melito Pabon sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Dimaandal, kasama ang QCDIT-RIU, Zambales PIT-RIU3, RID NCRPO, Valenzuela CPS, Castillejos MPS, Zambales at DID-QCPD saka ikinasa ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 10:00 pm sa kahabaan ng National Highway, Brgy. San Juan, Castillejos, Zambales City.
Si Manalo ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 23 Marso 2021 ni Hon. Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Valenzuela City RTC Branch 170 para sa kasong Robbery with Homicide, walang inirekomendang piyansa.
Ani P/Lt. Pabon, hinoldap ng akusado ang lola ng kanyang girlfriend noong 2020 sa Doña Elena St., Punturin, Valenzuela City ngunit nanlaban umano ang biktima kaya’t pinatay ng suspek. (ROMMEL SALES)