NAGWAKAS ang 11-taon pagtatago sa batas ng isang lalaking akusado sa panggagahasa sa isang 16-anyos na kapitbahay sa Ormoc City nang masakote ng mga awtoridad sa kanyang hideout sa Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) director, P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr., ang akusadong si Melvin Jumao-as, 30 anyos, tubong Leyte at residente sa Purok 6, Calapakuan, Zambales ay sangkot din sa serye ng motornapping incidents sa Caloocan City at kalapit na probinsiya at napag-alaman na sub-leader ng notoryus na Limos motornapping group.
Nadakip ang suspek sa Langit Road, Brgy. 176, Bagong Silang dakong 8:00 am ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal, kasama ang NPD- Regional Intelligence Unit of National Capital Region (RIU-NCR), NPD Highway Patrol Group (HPG) at Ormoc City Police Station.
Ani BGen. Hidalgo, si Jumao-as ay tinagurian bilang top 6 most wanted person sa Ormoc City, may standing warrant of arrest na inisyu noong 12 Hulyo 2011 ni Hon. Judge Clinton C. Nuevo ng Ormoc City Regional Trial Court (RTC) Branch 12 para sa kasong Rape in relation to R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa rekord, sapilitang hinalay ni Jumao-as ang 16-anyos niyang kapitbahay sa loob ng isang bahay sa Sitio Tongonan, Brgy. Montereco, Ormoc City noong 9 Oktubre 2010 saka nagtago nang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa kanya.
Nang makatanggap ng intelligence information si DSOU head Lt. Col. Dimaandal mula sa NPD-RIU-NCR na si Jumao-as ay naispatan sa Bagong Silang, kasama ang grupo ng hinihinalang motornapping syndicate ay agad bumuo ng team ang DSOU sa pamumuno ni Lt. Pabon, sa coordination sa Ormoc City Police Station saka ikinasa ang police operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado.
(ROMMEL SALES)