PATAY ang sinabing pangulo ng jeepney drivers association makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jessie San Jose Dela Cruz, 46, may asawa, operations manager ng UPV Trucking and Hauling Service, at residente sa Norzagaray Road, Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU, QCPD), dakong 8:00 pm nitong 4 Oktubre nang maganap ang pananambang sa kahabaan ng East Service Road, Brgy. Unang sigaw, QC.
Sinabi ng imbestigador na si P/SSgt. Anthony Tejereo, pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan sakay ng pulang Mitsubishi Adventure, may plakang NAS 4945, at habang binabagtas ang kahabaan ng East Service Road, ay dinikitan ng tandem saka pinagbababaril.
Sugatan man ay nagawa ng biktimang paandarin ang kaniyang sasakyan pero hinabol pa rin siya ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.
Naisugod ng mga tanod na sina Arnel Torres at Noel Iniong ang biktima sa MCU hospital ngunit binawian din ng buhay dakong 9:30 pm, ayon kay Dr. Rey Paulo.
Nakuha sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni P/Lt. Michael Jabel ang dalawang fired cartridge cases at dalawang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nakarekober ng mga awtoridad ang isang Commodore cal. 45 pistol, may lamang pitong bala at dalawang cartridge cases sa sasakyan ng biktima.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamasalang upang matukoy ang mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)