NAABUTAN sa akto ang dalawang masahista na nagbibigay ng ‘extra’ service sa kanilang parokyano ng salakayin ng mga awtoridad ang Alex Wellness SPA sa Cubao, Quezon City, nitong Biyernes ng madaling araw.
Agad inaresto ang magkapatid na may-ari ng spa na sina Diane Rosales, 22, dalaga, residente sa Simona Subd., Taytay Rizal, at Gemma Rosales, 52, may asawa, ng Bugallon Isidro, Taytay, Rizal.
Nasagip sa prostitusyon ang massage therapist workers na sina John Jobien Lintag, 18, residente sa Purok Singlao, Sta. Maria, Macabebe Pampanga; Byen Jerome Leyco, 24, binata, ng Pagsanjan, Laguna, at Michelle Quinlog, 28, residente sa MaryCris Complex Pascam2, Gen. Trias, Cavite.
Sa report ng Cubao Police Station (PS-7) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 12:30 am, nitong 1 Oktubre, nang salakyin ang nasabing spa sa Karen Building, 9 Annapolis St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.
Una rito, nakatanggap umano ang mga awtoridad na bukod sa masahe ay nag-aalok ng ‘extra services’ ang spa gaya ng serbisyong sekswal sa kanilang mga kostumer.
Agad nagsagawa ng pagsalakay ang mga operatiba ng Cubao Police Station sa pangunguna ni P/Cpl. Raymond Tabag, kasama ang isang asset na nagpanggap na customer sa nasabing spa at nang makompirma ay pinasok na ito ng mga awtoridad.
Nahuli umano sa akto ang dalawang masahista habang nagsasagawa ng extra service sa kanilang kostumer sa loob ng isang silid.
Inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 10364, RA 9208 Trafficking In Person at RA11332 laban sa magkapatid.
Nabatid na bukas-sara ang operasyon ng nasabing spa mula nang magkaroon ng pandemya noong 2020. (ALMAR DANGUILAN)