PATAY ang isang binata matapos makialam at harangin ang tumatakas na lalaking nanaksak ng kaniyang pinsan at isa pang kainuman sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.
Ang biktimang namatay ay kinilalang si Sofronio Chan Melchor, 23, binata, construction worker, residente sa Bukanig St., Brgy. Sta Lucia, Novaliches, Quezon City.
Sugatan sina Julius Chong Tan, 43, may asawa, driver, naninirahan sa A. Dela Cruz St., Sta Lucia Novaliches, at Danilo Leyson Barrina Jr., 20, binata, stock clerk, Brgy. Sta Lucia, QC, kapwa naka-confine ngayon sa Quezon City General Hospital.
Nakatakas ang suspek na si Frenz Manuel Tan, nasa hustong gulang, residente sa A. Dela Cruz St., Barangay Sta. Lucia Novaliches, sa lungsod, sinabing pinsan ng isa sa mga biktima na si Julius.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 12:00 am, 4 Oktubre, nang maganap ang insidente sa Interior-19 Brgy., Sta. Lucia, Novaliches, QC.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jerome Mendez, nag-iinuman sina Julius at Danilo kasama ang testigong si Vincent Llantos nang dumating ang suspek na si Frenz at sa hindi malamang dahilan ay hinamon ang napatay na biktima na magduwelo sila sa kutsilyo.
Hindi pinatulan ni Julius ang pinsan at pinayohan na umuwi na lamang sa kanilang bahay pero makalipas ang ilang minuto ay nagbalik ang suspek na armado ng patalim.
Nagulat ng tatlo nang saksakin ng suspek si Danilo kaya agad umawat si Julius ngunit inundayan rin siya ng patalim ng kaniyang tila galit na galit na pinsan.
Nang makitang kapwa duguan na ang mga biktima, tumakas ang suspek patungong M. Aquino St., pero hinabol siya ni Llantos habang humihingi ng saklolo.
Narinig ni Melchor na noon ay nakaistambay sa eskinita ang paghingi ng saklolo ni Llantos kaya nang papalapit na sa kaniya ang tumatakas na suspek ay hinarang niya ito pero sinaksak din siya sa dibdib.
Agad isinugod ni Llantos si Melchor sa Metro North Medical Center ngunit binawian din ng buhay bandang 3:14 am, ayon kay Dr. Maribeth A Directo.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya habang tinutugis ang suspek. (ALMAR DANGUILAN)