BUMAGSAK sa kulungan ang apat na hinihinalang sangkot sa illegal na droga, kabilang ang isang miyembro ng “Rodriguez Drug Group” na nakuhaan ng mahigit sa P.1 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa report ni P/Cpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 1:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa First St., Brgy. Marulas.
Agad sinunggaban ng mga operatiba si Orlando Mendiola, alyas Pogi, 44 anyos, sinabing miyembro ng Rodriguez Drug Group, at Hazal Ong, alyas Toto, 18 anyos, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu, may P34,000 ang halaga, buy bust money, P300 cash, cellphone, at isang Honda Click motorcycle.
Dakong 2:10 am naman nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU si Jhon Carlo, alyas NogNog, 20 anyos, matapos makuhaan ng tatlong gramo ng hinihinalang shabu na nasa P20,400 ang halaga.
Sinabing sinita si alyas Nognog sa paglabag sa curfew hours nang respondehan ng mga operatiba matapos matanggap na tawag sa telepono mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap na bentahan ng illegal drugs sa Jacinto St., Brgy. Marulas.
Sa Brgy. Mapulang Lupa, naaresto rin ng mga operatiba ng SDEU si Bryan Villahermosa, 33 anyos, matapos masita dahil walang suot na facemask makaraang respondehan ng mga operatiba ang natanggap na tawag sa telepono mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap na bentahan ng ilegal na droga sa Purok 4 dakong 10:30 pm.
Ani SDEU investigator P/Cpl. Christopher Quiao, nakuha sa suspek ang 15 pirasong transparent plastic sachets na naglalaman ng 12 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P81,600 at P200 cash. (ROMMEL SALES)