UMAPELA ng tulong kay League of Municipalities in the Philippines (LMP) President Mayor Ambrosio Cruz si Konsehal Cris Castro ng Pandi, Bulacan kaugnay sa mapanirang paratang laban sa kanya sa usapin ng Livelihood Assistance Grant o LAG sa naturang bayan.
Ito ay matapos ang magkasunod na imbestigasyon ng Task Force LAG sa sinasabing anomalya o reklamo sa pagbawas ng halagang P5,000 hanggang P10,000 mula sa P15,000.
Una nang lumutang sa huling pag-iimbestiga ng Task Force LAG ang isang ‘alyas Madam’ na tumayong whistleblower, na nagsabing isang Konsehal Cris, ang humikayat sa mga nagrereklamo na dumulog sa National Bureau of Investigation o (NBI)
Ngunit mariing pinabulaanan ni Castro ang paratang ng whistleblower, na aniya ay walang katotohanan ang isiniwalat sa Task Force LAG.
Aniya, lubhang malisyoso at mapanirang-puri ang mga sinabi ni ‘alyas Madam’ kaya bunsod nito ay iminungkahi ni Castro, na dapat alamin ang katotohanan sa likod ng mga alegasayon dahil hindi naman ito usapin ng politika.
Tinukoy din ng konsehal na dapat alamin kung legal ang operasyon ng Magic-7 Cooperative, na sinasabing pinaglagakan ng pera ng nasa 15 benepisaryo na una nang nagreklamo.
Aniya, duda siya na magamit ang isyung ito upang dungisan at akusahan ang kanyang pangalan lalo’t papalapit na ang 2022 national and local elections.
Samantala, tiniyak ni Mayor Cruz, na morally ay suportado niya si Konehal Castro sa magiging hakbang nito upang mapanagot ang mga nasa likod ng malisyosong akusasyon.
Gayonman, sinabi ni Cruz, mahalagang hintayin muna ang isinasagawang imbestigasyon ng Presidential Anti- Corruption Commission o PACC at NBI sa naturang isyu.
(MICKA BAUTISTA)