BAGSAK sa kulungan ang isang helper na nakuhaan ng improvised na baril sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) chief P/Lt. Col. Jay Dimaandal, ang naarestong suspek na si John Rey Medina, 23 anyos, residente sa Malaya St., Tondo, Maynila.
Batay sa ulat ni /PLt. Col. Dimaandal kay NPD Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr,, nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen ang DSOU hinggil sa isang lalaki na may bitbit umanong baril habang naglalakad sa kahabaan ng C-3 Road, Navotas City.
Kaagad pinuntahan ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon ang naturang lugar, na naabutan ang suspek na may bitbit na baril kaya’t nilapitan nila ito sabay nagpakilalang mga pulis dakong 4:30 pm.
Kusang loob na isinuko ng suspek sa mga pulis ang dalang baril ngunit nang hanapan ng kaukulang dokumento para sa naturang armas, wala siyang naipakita, dahilan upang siya’y arestohin.
Narekober sa suspek ang isang improvised handgun at dalawang bala ng .9mm, sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) sa piskalya ng Navotas City. (ROMMEL SALES)