PITONG tulak ng ipinagbabawal na droga, kabilang ang mag-asawa, ang inaresto at nakuhaan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon at Navotas Cities.
Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong 2:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Blk 7, Pampano St., Brgy. Longos.
Agad nadakip sina Manuelito Arag, alyas Itok, 47 anyos, ice vendor, ang kanyang misis na si Ma. Miglet Arag, 49 anyos; at Maricel Dela Merced, alyas Ase, 21 anyos, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police.
Kasamang nadakip sina Louie Dela Cruz, 45 anyos, at McLean Tibar, alyas Macmac, 27 anyos, huli sa aktong umiiskor ng droga sa tatlong tulak.
Nasamsam sa mga suspek ang hindi kukulangin sa 13.81 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P93,908 at buy bust money.
Nauna rito, dakong 12:05 am nang matimbog din ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Dexter Ollaging, sa buy bust operation sa M. Fernando St., Brgy. Tangos South, Navotas City sina Lauro Dela Cruz, alyas Larry, 58 anyos, karpintero, residente sa Brgy. San Roque; at Rosalie Guevarra, alyas Sally, 49 anyos, ng Brgy. Daang Hari sa nasabing lungsod.
Ani Col. Ollaging, nakompiska sa mga suspek ang halos 21.3 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P144,840 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(ROMMEL SALES)