Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
BIGYAN-PANSIN natin ang mga mayora sa National Capital Region (NCR) kung tunay na sila’y kalipikadong maging punong ehekutibo ng kanilang bayan o lungsod.
Sa ipinamalas ng mayora sa global response na may kaugnayan sa walang maiiwan at pagtugon sa tulong ng lokal na pamahalaan, kinilala ng Department of Labor and Employment – National Capital Region (DOLE-NCR) ang administrasyong Mayor Imelda Aguilar ng Las Piñas City.
‘Yan ay dahil sa pagkakaroon ng dedikasyon ni Mayora sa pagbibigay ng serbisyo sa kanyang constituents, patunay rin ng kanyang pakikipagtulungan sa DOLE-NCR CoVid-19 rollout.
Kinilala ng DOLE si Mayor Aguilar sa sinseridad ng alkalde na iparamdam sa mga taga-Las Piñas ang kanyang pasasalamat sa pagsunod sa disiplina at pagtugon sa health protocols sa nararanasang pandemya dulot ng CoVid-19.
Samantala, si Pasay City Mayor Emi Calixto naman, bilang tulong at pakikiisa sa DOLE ay namahagi ng mga bisikleta sa mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya. Mga bisikletang nagkalahalaga ng P10,000 bawat isa. Layunin ng Mayora na magamit ng recipients sa paged-deliver ng pagkain o mga produkto mula sa online sellers.
Bukod sa bisikleta, bibigyan din ang mga benepisaryo ng Lenovo cellphone na may P5,000 load… o saan ka pa? Ibang klase si Mayora Emi ‘di po ba?
Ang programang ito ay binansagang BIKECINNATION at partner ng nito ang DOLE sa pamumuno ni Secretary Silvestre Bello III.
May 28 benepisaryo na ang nakatanggap ng bisikleta. Panawagan ni Mayora Emi, bukas ang nasabing programa sa mga walang trabaho, at walang gagawin kundi pumunta lamang sa PESO Office sa Pasay City Hall.
***
Kung sa antas nasyonal maraming gustong tumakbo bilang presidente at bise presidente, kakaiba naman sa mga lokal na pamahalaan sa NCR.
Sa Las Piñas City, matunog na tatakbo pa rin sa kanyang huling termino si Mayora Imelda Aguilar, wala pa at ‘di pa batid kung may malakas ang loob na babangga sa mga Aguilar. Tahimik pa…
Sa Parañaque City, kung sa huling termino ni Mayor Edwin Olivarez ay “unopposed candidate” siya, ganoon rin ngayon sa pagtakbo niya sa kongreso bilang kinatawna ng Parañaque.
Si Rep. Eric Olivarez ay hahalili kay Mayor Edwin bilang alkalde. Palitan lamang sila ng puwesto.
Sa lungsod ng Pasay mukhang walang lalaban kay Mayor Emi Calixto-Rubiano na tatakbo muli para sa ikalawang termino bilang alkalde ng Pasay City.
Kung mayroon mang makakalaban, I doubt… tiyak na kakain ng alikabok!