KULUNGAN ang kinabagsakan ng dalawang mister matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu nang sitahin ng mga pulis dahil walang facemask sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan City chief of police P/Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong mga suspek na sina Richard Cenon, alyas Empoy, 46 anyos, at Emar Villanueva, 44 anyos, pintor, kapwa residente sa Brgy. 154, Bagong Barrio.
Ayon kay Col. Mina, nagsagawa ng verification ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Julius Villafuerte hinggil sa natanggap na text message mula sa concern citizen na ipinadala sa NCRPO SMS hotline “Isumbong mo kay RD!”
Dakong 12:20 am, nang dumating sa Consejala St., Brgy. 154, Bagong Barrio, nakita ng mga pulis ang dalawang nakatayong lalaki na walang suot na facemask.
Nang lapitan ng mga pulis upang alamin ang kanilang pagkakilanlan para isyuhan ng Ordinance Violation Reciept (OVR), tumakbo ang mga suspek at tinangkang tumakas kaya’t hinabol sila ng mga pulis hanggang makorner at maaresto.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang anim na sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang 18.66 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P126,888.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art. 151 of RPC at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(ROMMEL SALES)