NASAKOTE ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa bisa ng warrant of arrest ang tinaguriang Budol-Budol King at top 6 most wanted person sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni DSOU head P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Eduardo Dela Rosa, alyas Edwin, 43 anyos, J&T Express Delivery rider at residente sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City.
Base sa report ni P/Lt. Col. Dimaandal kay NPD Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., nakatanggap ang DSOU ng impormasyon mula sa NDIT-RIU NCR na naispatan ang akusado sa kanilang lugar.
Kaagad bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon saka nagsagawa ng manhunt operation dakong 3:30 pm na nagresulta sa pagkakaresto kay Dela Rosa sa kanyang bahay.
Ayon kay DSOU investigator P/MSgt. Julius Mabasa, si Dela Rosa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court (RTC) National Capital Judicial Region Branch 80, Quezon City Hon. Judge Madonna Echiverri para sa kasong Robbery at Theft, may piyansa P100,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ang akusado ay nasa top 6 most wanted person sa Caloocan City at tinaguriang lider ng “Dela Rosa Steal Gang” na responsable sa maraming kaso ng robbery at budol-budol sa Metro Manila at mga karatig probinsiya. (ROMMEL SALES)