SWAK sa kulungan ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operations ng pulisya sa mga lungsod ng Caloocan at Navotas.
Sa ulat, dakong 10:00 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo ng buy bust operation sa Rizal Ave. Ext., cor. 4th Ave. Brgy., 119, Caloocan City.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba sina Benson Diaz, 22 anyos, ng Tondo, Maynila; Renato Ignacio, 57 anyos, ng Marulas, Valenzuela City; at Kirby Joseph Larin, 20 anyos, ng Tondo, Maynila, matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P68,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.
Sa Navotas City, natimbog ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Dexter Ollaging sa buy bust operation sa S. Roldan St., Brgy. Tangos South, dakong 9:54 pm si Jerome Domingo, alyas Pudong, 27 anyos, kilala at nakatalang ‘tulak’ ng ilegal na droga.
Batay sa ulat ni SDEU investigator P/Cpl. Catherine Buella, narekober sa suspek ang tinatayang 11.2 grams ng hinihinalang shabu na nasa P76,180 ang halaga, P300 buy bust money at pouch.
Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek.
( ROMMEL SALES)