PATAY ang 16-anyos binatilyo na dumalo sa kaarawan ng anak-anakan ng kaibigan makaraang pasukin ng gunman at paulanan ng bala ng baril ang kanilang masayang inuman sa loob ng tahanan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.
Ang biktimang namatay ay kinilalang si Mico Gracia Balosa, 16, estudyante, residente sa Brgy. Batasan Hills, QC, habang sugatan ang kaibigang si John Paul De Juan, 19, binata, construction worker, at naninirahan sa Bayanihan St., Sitio 3, Brgy. Batasan Hills, Quezon City
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 12:40 am nitong Lunes, 20 Setyembre, nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng biktimang si De Juan.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nido Gevero, Jr., ng CIDU, dumalo ang biktima, kasama si Raymond Villarey sa birthday ng anak-anakan ni De Juan sa tahanan nito.
Habang nag-iinuman sina Balosa, De Juan, at kasamang si Villarey, bigla na lamang pumasok sa tahanan ang isa sa suspek at pinagbabaril ang nag-iinumang mga biktima.
Agad nakapagtago si Villarey kaya hindi tinamaan nang ratratin sila ng suspek.
Nang duguang bumagsak ang mga biktima, mabilis na tumakas ang suspek at sumakay sa nakaabang na motorsiklo sakay ang kasamahan na nagsilbing lookout.
Agad isinugod ang mga biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead on arrival si Balosa dakong 1:30 am, ni Dr. Rae Patrick Talampas, habang si De Juan ay inoobserbahan pa sa ospital.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtotidad sa motibo ng pamamaril upang makilala ang mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)