Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
NAPAKASAKLAP at masakit, bilang ina ang nagawa mong kasalanan dahil gusto mong mabuhay ang limang anak. Oo nga at pinagbayaran mo sa paghimas ng rehas na bakal, ngunit lingid sa iyong kaalaman, ang menor de edad mong anak, sa kagustuhang lumaya ang ina sa pagkakakulong ay naging kabayaran ang puri ng menor de edad na anak, na paulit-uli na pinagsamantalahan ng taong nagpakulong sa ina.
Isang krimen na sangkot ang isang alkalde sa lalawigan ng Cavite, sa kasong panggagahasa.
Ang menor de edad na biktima ay dumanas ng traumatic experience, huminto sa pag-aaral, inilihim sa ina, at sa loob ng mahigit tatlong taon, ang biktima ay naglakas loob na umamin sa ina dahil nagsilbi itong bangungot sa araw-araw na pagtulog ng biktima.
Hindi napakadali na ireklamo ang isang kaso ng panggagahasa dahil ito ay isang maselang krimen lalo pa kung ang biktima ay isang menor de edad.
Mariing itinanggi ng umano’y gumahasang meyor ang paratang ng biktima, at sa panig ng mga testigo ng alkalde, lumilitaw na gumagawa lamang ng isyu ang biktima, at ito ay sinusuportahan daw ng isang dambuhalang politiko sa lalawigan ng Cavite dahil malapit na ang May 22 local elections.
Hindi pinag-uusapan dito ang politika na kesyo malapit na ang halalan. Ang tanong ay kung may katotohanan. Sana’y lumitaw ang katotohanan upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng biktima at sana rin mapatunayan ni meyor na walang katotohanan ang paratang upang malinis ang kanyang pangalan. Ang korte ang magsasabi, totoo ba o hindi.
Tututukan natin ang kasong ito. May the good Lord parusahan ang sinungaling!
***
Sa lahat ng bumati sa Ika-17 anibersaryo ng pahayagang PEOPLE’S LIDER at sa aking kaarawan, maraming salamat sa inyong lahat.